Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

89/376

Dapat Nating Angkinin ang mga Pangako ng Diyos, Marso 27

Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumuruktok ay pinagbubuksan. Mateo 7:7, 8. KDB 94.1

Humingi.” Ang paghingi ay siyang nagpapakita na nabatid mo ang iyong pangangailangan; at kung ika'y hihingi sa pananampalataya, ika'y tatanggap. Nangako ang Panginoon sa Kanyang salita, at hindi ito mabibigo. Kung lalapit ka na may tunay na pagsisisi, hindi mo kailangang maramdamang ika'y nangangahas lamang sa paghingi ng ipinangako ng Panginoon. Kapag humingi ka ng mga pagpapala na iyong kailangan, upang iyong mapasakdal ang karakter ayon sa larawan ni Cristo, sinisiguro sa iyo ng Panginoon na ikaw ay humihingi ayon sa pangakong mapatutunayan. Na maramdaman mo at malaman na ikaw ay isang makasalanan, ay sapat na batayan upang humingi ng Kanyang kaawaan at kahabagan. . . . KDB 94.2

“Humanap.” Naisin hindi lamang ang Kanyang pagpapala, sa halip ay Siya mismo. . . . Humanap kayo at kayo'y makatatagpo. Hinahanap ka ng Diyos, at ang mismong pagnanasa na iyong nararamdamang lumapit sa Kanya, ay pag- aakay ng Banal na Espiritu. Magpasakop sa pag-aakay na iyon. Si Cristo ay nagsusumamo na mamagitan para sa mga tinukso, nagkamali, at mga walang pananampalataya. Hinahangad Niyang maiangat sila sa pakikisama sa Kanya. “Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo.” KDB 94.3

“Tumuktok.” Lumalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng espesyal na paanyaya, at naghihintay Siyang papasukin tayo sa Kanyang silid-tanggapan. Ang mga unang alagad na sumunod kay Jesus ay hindi nakuntento sa isang nagmamadaling pakikipag-usap sa Kanya sa daan; kanilang sinabi, “Guro, saan ka nakatira?” . . . Nararapat na ang mga naghahangad ng pagpapala ng Diyos, ay kumatok at maghintay sa pintuan ng awa na may matibay na katiyakan, na nagsasabing, Sapagkat Ikaw, O Panginoon, ay nagsabing, “Ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumuruktok ay pinagbubuksan.”— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 130,131. KDB 94.4

Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.2 Pedro 3:9. KDB 94.5