Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hindi Mabagal ang Panginoon Tungkol sa Kanyang Pangako, Marso 26
Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.2 Pedro 3:9. KDB 93.1
Taglay sa iyong harapan ang mayayamang pangako ng Biblia, makapagbibigay- daan ka pa ba para sa pagdududa? Makapaniniwala ka ba na kung ang isang kaawa-awang makasalanan ay nagnanais na bumalik, nagnanais na iwanan ang kanyang mga kasalanan, ay mahigpit na pipigilan siya ng Panginoon na makalapit na may pagsisisi sa Kanyang paanan? Lumayo sa ganyang mga kaisipan! Wala ng maaaring maging higit na paglapastangan sa Diyos kaysa sa mga ideyang ito. Wala ng makasasakit sa iyong sariling kaluluwa ng higit sa pagtanggap ng gayong mga kaisipan tungkol sa ating Ama sa langit. Ang ating buong espirituwal na buhay ay makakukuha ng tono ng kawalang pag-asa mula sa ganoong konsepto ng Diyos. Ang mga ito'y pumipigil sa lahat ng pagsisikap na lumapit sa Diyos para paglingkuran Siya. Huwag dapat nating isiping ang Diyos ay isa lamang hukom na handang magpahayag ng hatol laban sa atin. Kanyang kinamumuhian ang Kasalanan: ngunit mula sa pag-ibig sa mga makasalanan ay ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili, sa katauhan ni Cristo, upang ang lahat ng nagnanais ay maligtas, at magkaroon ng walang-hanggang kaligayahan sa kaharian ng kaluwalhatian. KDB 93.2
Ang Panginoon mismo ang nagpahayag ng Kanyang karakter na kasinungalingang ipinakilala ni Satanas. Ipinahayag Niya ang Kanyang sarili bilang, “Ang PANGINOON, ang PANGINOON, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan.” Anong mas malakas o mas malambing na salita ang maaaring gamitin kaysa sa Kanyang pinili para ipahayag ang Kanyang pagmamahal sa atin?— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 633. KDB 93.3
Makatarungang inaangkin ng ating Maylalang ang karapatang gawin ayon sa Kanyang pinili sa mga nilikha ng Kanyang kamay. Siya'y may karapatang mamuno ayon sa Kanyang kalooban, at hindi ayon sa pagpili ng tao. Ngunit Siya'y hindi isang mabagsik na hukom, isang malupit, at mahigpit na nagpapautang. Siya ang mismong bukal ng pag-ibig, ang nagbibigay ng mga pagpapalang hindi mabilang.— Ibid., p. 314. KDB 93.4