Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

85/376

Ang Bahagi Niya Ay ang Kanyang Bayan, Marso 23

Sapagkat ang bahagi ng PANGINOON ay ang kanyang bayan; si Jacob ang bahaging pamana niya. Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain, at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya, kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata. Deuteronomio 32:9,10. KDB 90.1

Pinanukala ni Cristo na ang kaayusan ng langit, ang planong gobyerno ng langit, at banal na pagkakaisa ng langit, ay kakatawanin ng Kanyang iglesya sa lupa. Sa gayon ay maluluwalhati Siya sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan nila ang Araw ng katuwiran ay sisinag nang maliwanag sa sanlibutan. Ibinigay ni Cristo sa Kanyang iglesya ang sapat na kakayahan, upang Kanyang matanggap ang malaking nalikom na kaluwalhatian mula sa Kanyang tinubos, na biniling pag-aari. Ipinagkaloob Niya sa Kanyang bayan ang mga kakayahan at mga pagpapala upang kanilang ilarawan ang Kanyang sariling kasapatan. Ang iglesya, pinagkalooban ng katuwiran ni Cristo, ay ang pinaglalagakan, kung saan ang kayamanan ng Kanyang awa, Kanyang biyaya, at Kanyang pag-ibig, ay makikita sa ganap at pangwakas na pagtatanghal. Si Cristo ay tumitingin sa Kanyang bayan sa kanilang kadalisayan at kasakdalan, bilang gantimpala ng Kanyang kahihiyan, at siyang karagdagan ng Kanyang kaluwalhatian—si Cristo, ang dakilang Sentro, kung saan sumisinag ang lahat ng kaluwalhatian.— The Desire of Ages, p. 680. KDB 90.2

Ang layuning sinisikap ng Diyos na isakatuparan sa pamamagitan ng Kanyang bayan sa kasalukuyan ay katulad ng nais Niyang isakatuparan sa pamamagitan ng Israel. . . . Sa pagtingin sa kabutihan, sa kahabagan, sa hustisya, at pag-ibig ng Diyos na nahayag sa iglesya, ang sanlibutan ay magkakaroon ng paglalarawan ng Kanyang karakter. At kapag ang kautusan sa gayon ay maipakikita sa buhay, kahit ang sanlibutan ay makikilala ang pagiging higit ng mga umiibig at nangatatakot at naglilingkod sa Diyos higit sa kaninumang tao sa lupa. Ang paningin ng Panginoon ay nasa bawat isa sa Kanyang bayan; Siya'y may panukala para sa bawat isa. Kanyang layunin na yaong mga nagsasagawa ng Kanyang banal na kautusan ay magiging natatanging bayan.— Testimonies for the Church, vol. 6, pp. 12, 13. KDB 90.3