Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

83/376

Ginantimpalaan ang Katapatan, Marso 21

Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala; ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan. Kawikaan 28:20. KDB 88.1

Ang maingat na pansin sa sinasabi ng sanlibutang “maliliit na bagay” ang ginagawang tagumpay ang buhay. Maliit na mga pagkakawanggawa, maliit na mga gawa ng pagtanggi sa sarili, pagsasalita ng mga simpleng salitang kapaki-pakinabang, pag-iingat laban sa maliliit na mga kasalanan—ito ay Cristianismo. Mapagpasalamat na pagkilala sa araw-araw na mga pagpapala, isang matalinong pagpapaunlad ng araw-araw na mga pagkakataon, isang masikap na pagpapalago ng ipinagkatiwalang mga talento—ito ang hinihingi ng Panginoon na ating gawin. KDB 88.2

Siyang gumagawang may katapatan sa maliliit na mga tungkulin ay magiging handa para tugunan ang hinihingi ng mas malaking mga responsibilidad. Ang taong mabait at magalang sa araw-araw na buhay, na mapagbigay at matiisin sa kanyang pamilya, na ang kanyang patuloy na layunin ay gawing masaya ang tahanan, ay siyang magiging una sa pagtanggi sa sarili at magsakripisyo kapag tumawag ang Panginoon. KDB 88.3

Tayo'y maaaring handang ibigay ang ating pag-aari sa layunin ng Diyos, ngunit hindi ito ibibilang maliban kung ibigay rin natin sa Kanya ang puso ng pag-ibig at pasasalamat. Yaong mga nagnanais maging tunay na misyonero sa malayong lupain ay kailangan munang maging tunay na mga misyonero sa kanilang mga tahanan. Yaong mga nagnanais na gumawa sa ubasan ng Panginoon ay kailangang maghanda ng kanilang mga sarili sa bagay na ito sa pamamagitan ng maingat na pagpapalago ng maliit na ubasan na Kanyang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga. . . . KDB 88.4

Sa araw ng paghuhukom, silang mga naging tapat sa kanilang araw-araw na buhay . . . ay makaririnig ng mga salitang, “Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.” Hindi sila pinupuri ni Cristo para sa mga mahuhusay na pananalita na ginawa nila, ang intelektuwal na kapangyarihang kanilang ipinakita, o ang mga malalaking donasyong ibinigay nila. Ito'y para sa paggawa ng maliliit na bagay na madalas hindi nabibigyang-pansin na sila ay gagantimpalaan.— Messages to Young People, pp. 143-145. KDB 88.5