Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kanyang Nauunawaan Kapag Tayo'y Tinutukso, Marso 20
Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso. Hebreo 2:18. KDB 87.1
Ang manunukso ay hindi maaaring pumilit sa atin na gawin ang masama. Hindi niya makukontrol ang isipan maliban na ito'y magpadala sa kanyang kontrol. Kailangang sumang-ayon ang kalooban, ang pananampalataya'y dapat bumitaw sa paghawak kay Cristo bago magamit ni Satanas ang kanyang kapangyarihan sa atin. Ngunit bawat makasalanang pagnanasa na ating pinapahalagahan ay nagbibigay sa kanya ng matibay na tungtungan. Bawat punto kung saan tayo'y nabigong gawin ang banal na pamantayan, ay bukas na pintuan kung saan makapapasok siya para tuksuhin at wasakin tayo. At bawat pagkabigo at pagkatalo sa bahagi natin ay nagbibigay-pagkakataon sa kanya na hiyain si Cristo. . . . Kadalasan kapag si Satanas ay nabigong magdala sa pagdududa, siya ay nagtatagumpay na akayin tayo sa kapangahasan. Kung tayo'y kusang pumupunta sa daan ng tukso na hindi na kailangan ni Satanas na tayo'y akayin, alam niyang kanya na ang tagumpay. Iingatan ng Diyos ang lahat ng lumalakad sa daan ng pagsunod; ngunit ang paghiwalay rito ay pakikipagsapalaran sa teritoryo ni Satanas. Doon ay sigurado ang ating pagbagsak. Tayo'y inaanyayahan ng Tagapagligtas, “Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.” Ang pagmumuni-muni at pananalangin ay iingatan tayo mula sa pagmamadaling hindi nahahadlangan sa daan ng panganib, at sa gayon tayo'y maililigtas sa maraming pagkatalo.— The Desire of Ages, pp. 125, 126. KDB 87.2
Ang tagumpay ni Cristo ay lubos na tulad ng kabiguan ni Adan. Kaya't ating mapaglalabanan ang tukso, at sapilitang mapapalayo si Satanas mula sa atin. Nakamit ni Jesus ang tagumpay sa pamamagitan ng pagpapasakop at pananampalataya sa Diyos, at sa pamamagitan ng apostol ay Kanyang sinasabi sa atin, “Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo.”— Ibid., pp. 130, 131. KDB 87.3
Ang pinakamalakas na tukso ay hindi maaaring dahilan para sa kasalanan. Gaano man kalaki ang bigat na dinadala sa kaluluwa, ang pagsalangsang ay sarili nating kilos.— Patriarchs and Prophets, p. 421. KDB 87.4