Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Walang Mabuting Ipinagkakait ang Diyos, Marso 19
Sapagkat ang PANGINOONG Diyos ay araw at kalasag, siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan. Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng PANGINOON sa mga nagsisilakad nang matuwid. Awit 84:11. KDB 86.1
Ang mga pangako ng Diyos ay puspos at sagana, at di-kailangan ng sinuman na umasa sa tao para sa kalakasan. Sa lahat ng tumatawag sa Kanya, ang Diyos ay malapit para tumulong at sumaklolo. At Siya'y lubusang nilalapastangan kapag, matapos natin Siyang pagkatiwalaan, tayo ay lumalayo sa Kanya—ang tanging hindi nagkakamaling maunawaan tayo, ang nag-iisang makapagbibigay ng tamang payo—sa mga taong sa kanilang mga kahinaan bilang tao ay makapagdadala sa atin palayo.— Testimonies to Ministers and Gospel Workers, pp. 381, 382. KDB 86.2
Iniibig ng Diyos ang mga anghel na hindi nagkasala, na isinasagawa ang Kanyang gawain at mga masunurin sa Kanyang mga utos; ngunit sila'y hindi Niya pinagkalooban ng biyaya; kailanma'y hindi sila nangangailangan nito; sapagkat kailanma'y hindi sila nagkasala. Ang biyaya ay isang katangiang ipinakikita sa mga taong hindi karapat-dapat. Hindi tayo naghanap nito; ito'y isinugo para hanapin tayo. Ang Diyos ay nagagalak na ipagkaloob ang biyaya sa lahat ng nagugutom at nauuhaw para rito, hindi dahil karapat-dapat tayo, sa halip ay dahil hindi tayo karapat-dapat. Ang ating pangangailangan ay ang kwalipikasyon na nagbibigay sa atin ng katiyakan na tatanggap tayo ng kaloob.— Ibid., p. 519. KDB 86.3
Ang ginto at pilak ay sa Panginoon, at makapagpapaulan Siya ng mga ito mula sa Langit kung nanaisin Niya; ngunit sa halip na ito ay ginawa Niya ang tao na Kanyang katiwala, pinagkatiwalaan siya ng mga kaloob, hindi para sarilinin, sa halip ay para gamitin sa kapakinabangan ng iba. Sa gayon ay Kanyang ginawa ang tao bilang daan para maipamigay ang Kanyang pagpapala sa lupa. Plano ng Diyos ang sistema ng pagiging mapagbigay, upang ang tao'y maaaring maging, tulad ng kanyang Manlilikha, mabait at hindi makasarili sa pag-uugali, at sa huli'y magiging isang kabahagi ng walang hanggan at maluwalhating gantimpala.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 473. KDB 86.4