Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Tayo'y Pinili ng Diyos, Marso 18
Ngunit kayo ‘y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag. 1 Pedro 2:9. KDB 85.1
Samantalang ating binabasa ang Salita ng Diyos, gaano kalinaw na makikitang ang Kanyang bayan ay kailangang maging natatangi at naiiba mula sa di-sumasampalatayang sanlibutan na nasa paligid nila. Ang ating posisyon ay interesante at nakatatakot; nabubuhay sa mga huling araw, gaano ngang mahalaga na tularan natin ang halimbawa ni Cristo, at lumakad na gaya ng kanyang paglakad. . . . Ang mga opinyon at karunungan ng mga tao ay hindi dapat gumabay o mamahala sa atin. Ang mga ito'y palaging umaakay palayo sa krus. Ang mga lingkod ni Cristo ay walang tahanan o kayamanan dito. Kung ang lahat lamang ay makauunawa na ang dahilan lamang na tayo ay payapa at ligtas na nakapaninirahan kasama ang ating mga kalaban ay dahil ang Panginoon ay naghahari. KDB 85.2
Hindi natin pribilehiyo na mag-angkin ng mga espesyal na pabor ng mundo. Kailangang pumayag tayong maging mahirap at hamakin ng mga tao, hanggang sa ang digmaan ay matapos at makamtan ang tagumpay. Ang mga miyembro ni Cristo ay tinawag palabas at humiwalay sa pakikipagkaibigan at espiritu ng sanlibutan; ang kanilang lakas at kapangyarihan ay nasa pagiging pinili at tinanggap ng Diyos. . . . KDB 85.3
Tulad ni Cristo na nasa sanlibutan, gayon din ang Kanyang mga tagasunod. Sila'y mga anak ng Diyos, at mga tagapagmanang kasama ni Cristo; at ang kaharian at ang kapangyarihan ay kanila. Hindi naiintindihan ng sanlibutan ang kanilang karakter at banal na pagkatawag; hindi nila nauunawaan ang kanilang pagkakaampon sa pamilya ng Diyos. Ang kanilang ugnayan at pakikisama sa Ama at Anak ay hindi hayag, at habang minamasdan ng sanlibutan ang kanilang pagpapakumbaba at kadustaan, hindi lilitaw kung ano sila, o kung magiging ano sila. Sila'y mga dayuhan. Hindi sila kilala ng sanlibutan, at hindi pinahahalagahan ang mga motibo na kumikilos sa kanila.— Testimonies for the Church, vol. 1, pp. 286, 287. KDB 85.4