Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

78/376

Tinawag Tayo Alinsunod sa Kanyang Layunin, Marso 16

Na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon. 2 Timoteo 1:9. KDB 83.1

Sa paglalakad ni Jesus sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda. Sinabi niya sa kanila, Sumunod kayo sa akin. . . .” Ang agaran, at walang-alinlangang pagsunod ng mga taong ito, na walang pangako ng sahod, ay tila kapansin-pansin; ngunit ang mga salita ni Cristo ay imbitasyon na nagtataglay ng nag-uudyok na kapangyarihan. Ang mga mangingisdang ito ay gagawin ni Cristo, kaugnay sa Kanyang sarili, na pamamaraan upang ilayo ang mga tao sa paglilingkod kay Satanas, at ilalagay sila sa paglilingkod sa Diyos. Sa gawaing ito sila'y magiging Kanyang mga saksi, na dinadala sa sanlibutan ang Kanyang katotohanan na walang halo ng mga tradisyon at mga panlilinlang ng tao. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang kabutihan, sa pamamagitan ng paglakad at paggawang kasama Niya, sila ay magiging angkop na mamamalakaya ng mga tao. . . . Ang mga manggagawa na may ganitong katangian ay kinakailangan ngayon, mga taong itinalaga ang kanilang sarili na walang pag-aatubili sa gawain na ipinakikilala ang kaharian ng Diyos sa sanlibutang lugmok sa kasamaan. Kailangan ng sanlibutan ang mga taong nag-iisip, may prinsipyo, mga taong patuloy na lumalago sa pagkaunawa at mabuting pasya. May malaking pangangailangan ng mga taong makakayang gumamit ng mga pamamahayag para sa pinakamabuting pakinabang, upang ang katotohanan ay mabigyan ng mga pakpak na magpapabilis nito sa bawat bansa, wika, at mga tao.— Gospel Workers, pp. 24, 25. KDB 83.2

Ang gumawa para sa Diyos at para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ay ang pinakamataas at pinakamarangal na pagkatawag na mayroon ang tao o maaaring magkaroon. Ang pagkalugi at kita sa gawaing ito ay may malaking kahalagahan; sapagkat ang mga resulta ay hindi nagtatapos sa buhay na ito, sa halip ay umaabot hanggang sa walang hanggan.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 411. KDB 83.3