Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

76/376

Kanyang Titipunin at Ibabalik ang mga Nawaglit, Marso 14

Aking ilalabas sila sa mga bayan, titipunin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain. Pakakainin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain. Ezekiel 34:13. KDB 81.1

Si Cristo ay naparito para magdala ng kaligtasan na maaaring makamtan ng lahat. Sa krus ng Kalbaryo ay Kanyang binayaran ang walang-hanggang halaga ng katubusan sa nawaglit na sanlibutan. Ang Kanyang pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo ng sarili, ang Kanyang hindi makasariling paggawa, ang Kanyang pagpapakumbaba, higit sa lahat, ang paghahandog ng Kanyang buhay, ay nagpapatotoo sa lalim ng Kanyang pag-ibig sa nagkasalang tao. Ito ay para hanapin at iligtas ang mga nawaglit kaya Siya ay naparito sa lupa. Ang Kanyang misyon ay para sa mga makasalanan, makasalanan sa lahat ng uri, ng lahat ng wika at bansa. Siya ay nagbayad ng halaga para sa lahat, para tubusin sila, at para ibalik sila sa pakikipag-ugnayan at simpatya sa Kanyang sarili. Ang pinakanagkakamali, ang pinakamakasalanan, ay hindi nilalagpasan; ang Kanyang paglilingkod, higit sa lahat, ay para roon sa mga higit na nangangailangan ng kaligtasang Kanyang dinala. Kung mas malaki ang pangangailangan nila ng pagbabago, ay mas malalim ang pagnanais Niya, mas malaki ang Kanyang simpatya, at mas masigasig ang Kanyang mga paggawa. Ang Kanyang dakilang puso ng pag-ibig ay napukaw sa kalaliman nito para sa mga taong ang kondisyon ay nasa pinakawalang pag-asa, at pinakanangangailangan ng Kanyang bumabagong biyaya. KDB 81.2

Sa talinghaga ng nawaglit na tupa ay ipinakikita ang kahanga-hangang pag- ibig ni Cristo para sa nagkamali, at mga naliligaw. Hindi Niya pinipiling manatili roon sa mga tumanggap ng kaligtasan, na ibinibigay lahat sa kanila ang Kanyang pagsisikap, at tinatanggap ang kanilang pagpapasalamat at pag-ibig. Ang tunay na pastol ay iniwan ang mga tupang umiibig sa Kanya at naparoon sa ilang, na nagtitiis ng hirap at hinarap ang panganib at kamatayan, para hanapin at iligtas ang tupang nawaglit mula sa kawan, at mapapahamak kung hindi maibabalik. . . . O kahanga-hangang pag-ibig! Magiliw Niyang tinitipon ito sa Kanyang mga braso, at inilalagay ito sa Kanyang balikat at pinapasan pabalik sa kawan.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 603, 604. KDB 81.3