Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kanya Tayong Tatalian at Palalakasin, Marso 13
Aking hahanapin ang nawala at ibabalik ang naligaw, tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina, ngunit aking lilipulin ang mataba at malakas. Aking pakakainin sila ng kahatulan. Ezekiel 34:16. KDB 80.1
Ang taong humihiwalay sa Diyos upang mapaglingkuran ang sarili, ay alipin ng kayamanan. Ang isipan na nilikha ng Diyos para sa pakikisama ng mga anghel, ay naging mababa sa paglilingkod ng makalupa at makalaman. Ito ang wakas kung saan patungo ang pansariling-kapakanang paglilingkod. Kung iyong pinili ang gayong buhay, alam mong gumugugol ka ng salapi sa mga bagay na hindi makakain, at nagsisikap para sa mga bagay na hindi mahusay. Darating sa iyo ang oras na iyong mababatid ang iyong pagbaba ng kalagayan. Mag-isa sa malayong lugar, mararamdaman mo ang iyong paghihirap, at sa kawalang pag-asa ay iiyak ka, “Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?” . . . Ang pag- ibig ng Diyos ay naghihintay pa rin para sa isang pumiling humiwalay sa Kanya, at magsasagawa Siya ng mga impluwensiya upang dalhin siya pabalik sa bahay ng Ama. Ang alibughang anak sa kanyang kaabahan ay “siya'y natauhan.” Ang mapanlinlang na kapangyarihan na ginamit ni Satanas sa kanya ay nasira. . . . Bagaman kawawa, natagpuan ng alibugha ang pag-asa sa panghihikayat ng pag-ibig ng kanyang ama. Iyon ang pag-ibig na humihila sa kanya pabalik sa tahanan. Kaya ang katiyakan ng pag-ibig ng Diyos ang nagtutulak sa makasalanan na bumalik sa Diyos. . . . Sa talinghaga ay walang panunuya, walang paninisi sa alibugha ng kanyang masamang landas. Naramdaman ng anak na ang nakaraan ay pinatawad at kinalimutan, napawi magpakailanman. At sa gayon sinasabi ng Diyos sa makasalanan, “Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo, at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon.” “Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”— Christ’s Object Lessons, pp. 201-205. KDB 80.2