Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Si Cristo Ay Dumating Upang Hanapin ang mga Nawaglit, Marso 12
Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala. Lucas 19:10. KDB 79.1
Ang nawalang pirasong pilak ay tumutukoy roon sa mga nawaglit sa mga pagsalangsang at kasalanan, ngunit walang pagkadama ng kanilang kalagayan. Sila'y nahiwalay sa Diyos, ngunit hindi nila ito alam. Ang kanilang mga kaluluwa ay nasa panganib, ngunit hindi nila nalalaman at sila'y walang pakialam. Sa talinghagang ito ay itinuturo ni Cristo na kahit yaong mga walang pakialam sa mga pag-aangkin ng Diyos, ay mga pinagtutuunan ng Kanyang mahabaging pag-ibig. Kailangan silang hanapin, upang sila'y maisauli sa Diyos. . . . Ang pirasong pilak, bagaman nasa mga alikabok at basura, ay pirasong pilak pa rin. Hinahanap ito ng may-ari nito dahil ito ay may halaga. Gayundin ang bawat kaluluwa, gaanuman pinasama ng kasalanan, ay itinuturing na mahalaga sa paningin ng Diyos. Kung paanong ang pirasong pilak ay nagtataglay ng larawan at tanda ng namumunong kapangyarihan, ay gayundin ang tao sa panahon ng paglikha ay nagtaglay ng larawan at tatak ng Diyos; at bagaman ngayon ay nabahiran at pinadilim ng impluwensiya ng kasalanan, ang mga bakas ng inskripsyong ito ay nananatili sa bawat kaluluwa. Nais ng Diyos na mapanauli ang kaluluwa, at muling mabakas dito ang Kanyang larawan sa katuwiran at kabanalan. Ang babae sa talinghaga ay masigasig na hinahanap ang nawawala niyang pilak. . . . Gayundin sa pamilya, kung ang isang miyembro ay nawaglit sa Diyos, ang lahat ng kaparaanan ay dapat gamitin para siya'y maibalik. Sa bahagi ng lahat ng iba pa, dapat magkaroon ng masikap, maingat na pagsusuri sa sarili. Dapat suriin ang nakasanayang buhay. Tingnan kung may mga mali, mga kamalian sa pamamahala, na kung saan ang kaluluwang iyon ay nakumpirma sa kawalan ng pagsisisi.— Christ’s Object Lessons, pp. 193,194. KDB 79.2
Sa kabila ng mga depekto ng bayan ng Diyos, si Cristo ay hindi tumalikod sa mga pinagtutuunan ng Kanyang pangangalaga. . . . Magsasagawa ang Diyos ng hustisya para sa Kanyang mga hinirang.— Ibid., pp. 169,170. KDB 79.3