Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Kaligtasan Ay Kaloob ng Diyos, Marso 3
Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki. Efeso 2:8, 9. KDB 70.1
Ang kaligtasan ay kaloob na walang bayad, gayunman ito'y mabibili at maibebenta. Sa pamilihan kung saan ang kaawaan ng Diyos ang may pamamahala, ang mahalagang perlas ay ipinakikitang binibili na walang pera at walang halaga. Sa pamilihang ito ang lahat ay maaaring magkaroon ng kalakal ng langit. Ang kabang-yaman ng mga hiyas ng katotohanan ay bukas sa lahat. “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas,” ang pahayag ng Panginoon, “na hindi maisasara ng sinuman.” Walang tabak na nagbabantay papasok sa pintuang ito. Ang mga tinig mula sa loob at sa pintuan ay nagsasabing, Halika. Ang tinig ng Tagapagligtas ay taimtim at may pagmamahal na nananawagan sa atin: “Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman.” KDB 70.2
Ang ebanghelyo ni Cristo ay pagpapala na maaaring maangkin ng lahat. Ang pinakamahirap ay maaari na gaya ng pinakamayaman na makabili ng kaligtasan, dahil walang kapantay na halaga sa makasanlibutang kayamanan ang makabibili nito. Ito'y natatanggap sa kusang-loob na pagsunod, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga sarili kay Cristo bilang Kanyang biniling pag-aari. Ang edukasyon, kahit sa pinakamataas na antas, ay hindi kailanman sa sarili nito makapaglalapit ng tao sa Diyos. Ang mga Fariseo ay napaboran sa lahat ng pansamantala at lahat ng espirituwal na benepisyo, at kanilang sinabi na may kayabangang nagmamataas, Kami ay “mayaman, at naging mariwasa, at hindi ako nangangailangan ng anuman;” ngunit sila'y “aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad.” . . . KDB 70.3
Hindi natin maaaring kitain ang kaligtasan, ngunit kailangan nating hanapin ito na may labis na interes at pagtitiyaga na parang ating iiwanan ang lahat sa sanlibutan para rito. . . . Iwanan mo ang ideya na ang pansamantala o espirituwal na kalamangan ay magbibigay sa iyo ng kaligtasan. Ang Diyos ay tumatawag para sa iyong kusang-loob na pagsunod. Hinihingi Niya sa iyo na bitawan mo ang iyong mga kasalanan.— Christ’s Object Lessons, pp. 116, 117. KDB 70.4