Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Diyos Ay Hindi Isang Tao, Enero 4
Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling, ni anak ng tao na magsisisi. Sinabi ba niya at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin? Bilang 23:19. KDB 10.1
Habang natututo tayo nang higit pa tungkol sa kung ano ang Diyos, at kung ano tayo sa Kanyang paningin, tayo'y matatakot at manginginig sa harapan Niya.— The Ministry of Healing, p. 435. KDB 10.2
Kanyang [si Jesus] itinuro ang Kanyang mga tagapakinig sa Tagapamahala ng sansinukob, sa ilalim ng bagong pangalan, “Ama namin.” Nais Niyang maunawaan nila kung gaano kagiliw ang puso ng Diyos na nananabik sa kanila. Kanyang itinuturo na minamahal ng Diyos ang bawat nagkasalang kaluluwa; na “kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.” KDB 10.3
Ang gayong kaisipan tungkol sa Diyos ay hindi kailanman naibigay sa sanlibutan ng anumang relihiyon maliban ng nasa Biblia. Ang Paganismo ay nagtuturo sa mga tao na tumingin sa Kataas-taasan bilang isang kinatatakutan kaysa maibigin—isang masamang diyos na kailangang mapakalma sa pamamagitan ng mga handog, sa halip na isang Ama na ibinubuhos sa Kanyang mga anak ang kaloob ng pag-ibig. Kahit na ang bayang Israel ay naging bulag sa napakahalagang aral ng mga propeta na may kinalaman sa Diyos, na ang kapahayagan ng pag-ibig ng Kanyang pagiging Ama ay isang orihinal na usapin, isang bagong kaloob sa sanlibutan. KDB 10.4
Pinaniniwalaan ng mga Judio na minamahal ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya,—ayon sa kanilang pananaw, silang gumaganap ng kahilingan ng mga rabi,—at ang lahat ng natitira sa buong sanlibutan ay nasa ilalim ng Kanyang galit at sumpa. Hindi gayon, ang pahayag ni Jesus; ang buong sanlibutan, ang mabuti at ang masama, ay nasa ilalim ng sinag ng Kanyang pag-ibig.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 74 . KDB 10.5
Ang Diyos ay hindi nakikitungo sa atin sa kung paanong ang taong may kahinaan ay nakikitungo sa isa't isa. Ang Kanyang mga kaisipan ay kaisipan ng kaawaan, pag-ibig, at pinakamagiliw na kahabagan.— Steps to Christ, p. 53 . KDB 10.6