Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Kanyang Kagandahang-loob Ay Walang Hanggan, Pebrero 16
Sa nag-uumapaw na poot nang sandali, ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo, ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng PANGINOON, na iyong Manunubos. Isaias 54:8. KDB 54.1
Sa lahat ng ating mga pagsubok, mayroon tayong Katulong na hindi kailanman nabibigo. Hindi Niya tayo pinababayaang mag-isa upang makipagpunyagi sa tukso, labanan ang kasamaan, at sa huli'y madurog ng mga pasanin at kapighatian. Bagaman Siya ngayon ay naikubli sa paningin ng tao, maririnig ng tainga ng pananampalataya ang Kanyang tinig na nagsasabi, Huwag kang matakot; Ako'y kasama mo. . . . Tiniis Ko ang iyong mga kapighatian, naranasan ang iyong mga pakikipagpunyagi, nakatagpo ang iyong mga tukso. Naiintindihan Ko ang mga luha mo; Ako rin ay tumangis. Ang mga pagdadalamhating nakatago nang masyadong malalim upang masabi sa kahit kaninong tainga ng tao, ay alam Ko. Huwag isipin na ika'y pinabayaan at tinalikuran. Bagaman ang iyong pighati ay hindi nakahipo ng pagtugon sa kahit anong puso sa lupa, tumingin ka sa Akin, at mabuhay. . . . KDB 54.2
Kahit gaano pa kamahal ng isang pastol ang kanyang mga tupa, mas higit niyang minamahal ang kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae. Si Jesus ay hindi lamang natin pastol; Siya ang ating “Walang hanggang Ama,” at Kanyang sinasabi, “Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin. Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama.” Anong pahayag ito!—ang bugtong na Anak, Siya na nasa kandungan ng Ama, Siya na ipinahayag bilang “lalaking kasama ko,“—ang ugnayan sa pagitan Niya at ng walang-hanggang Diyos ay ipinalagay upang kumatawan sa ugnayan sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang mga anak sa lupa! KDB 54.3
Sapagkat tayo ang kaloob ng Kanyang Ama, at ang gantimpala ng Kanyang paggawa, iniibig tayo ni Jesus. Iniibig Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Ikaw na bumabasa, iniibig ka Niya. Ang langit mismo ay wala ng maipagkakaloob na hihigit pa, wala ng mas bubuti pa. Kaya't magtiwala.— The Desire of Ages, p. 483. KDB 54.4