Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pag-ibig ng Diyos Ay Nagbibigay sa Atin ng Pag-asa ng Kasakdalan, Pebrero 14
Upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.Roma 8:4. KDB 52.1
Sa hindi mawaring pag-ibig ay inibig tayo ng ating Diyos, at ang ating pag- ibig ay napukaw tungo sa Kanya habang ating nauunawaan ang tungkol sa haba at lawak at lalim at taas ng pag-ibig na ito na humihigit pa sa kaalaman. Sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kaakit-akit na kagandahan ni Cristo, sa pamamagitan ng kaalaman ng Kanyang pag-ibig na ipinahayag sa atin samantalang tayo'y mga makasalanan pa, ang matigas na puso'y natunaw at napasuko, at ang makasalanan ay nabago at naging anak ng langit. Ang Diyos ay hindi gumagamit ng mga sapilitang hakbang; ang pag-ibig ang kasangkapan na ginagamit Niya upang alisin ang kasalanan mula sa puso. Sa pamamagitan nito'y binabago Niya ang pagmamataas tungo sa pagpapakumbaba, at poot at kawalan ng pananampalataya tungo sa pag-ibig at pananampalataya. KDB 52.2
Ang mga Judio ay nagpakahirap sa paggawa upang maabot ang kasakdalan sa pamamagitan ng kanilang sariling mga pagsisikap, at sila'y nabigo. Sinabi na sa kanila ni Cristo na ang kanilang katuwiran ay hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. Ngayon ay itinuturo Niya sa kanila ang katangian ng katuwiran na tataglayin ng lahat ng papasok sa langit. Sa buong sermon sa bundok inilalarawan Niya ang mga bunga nito, at ngayon sa isang pangungusap itinuturo Niya ang pinagmulan at likas nito: Kayo'y maging sakdal gaya ng Diyos na sakdal. Ang kautusan ay isang kapahayagan ng katangian ng Diyos. Pagmasdan sa inyong makalangit na Ama ang isang sakdal na kapahayagan ng mga prinsipyo na siyang pundasyon ng Kanyang pamahalaan. Ang Diyos ay pag- ibig. Tulad ng mga sinag ng ilaw mula sa araw, pag-ibig at liwanag at kagalakan ay dumadaloy mula sa Kanya tungo sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Likas Niya ang magbigay. Ang Kanyang mismong buhay ay daluyan ng di-makasariling pag-ibig. . . . Sinasabi Niya sa atin na maging sakdal katulad Niya, sa parehong paraan. Tayo'y dapat maging sentro ng liwanag at pagpapala sa ating maliit na pangkat ng kinabibilangan, tulad Niya sa sansinukob.— Thoughts from the Mount of Blessing, pp. 76, 77. KDB 52.3