Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

46/376

Aalisin ng Diyos ang Ating Pamatok ng Kasalanan, Pebrero 13

Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig. Sa kanila ako'y naging gaya ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga; at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila. Hoseas 11:4. KDB 51.1

Ang taga-Silangang pastol ay hindi itinataboy ang kanyang mga tupa. Hindi siya gumagamit ng pamimilit o pananakot; kundi siya'y nauuna at saka tinatawag sila. Nalalaman nila ang tinig niya, at sinusunod nila ang tawag. Ganoon din ang Tagapagligtas na Pastol sa Kanyang mga tupa. . . . Sa pamamagitan ng propeta, inihahayag ni Jesus . . . “Kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo.” Hindi Niya pinipilit ang sinuman na sumunod sa Kanya. . . . KDB 51.2

Hindi ang takot sa kaparusahan, o ang pag-asa sa walang-hanggang gantimpala, ang aakay sa mga alagad ni Cristo na sundin Siya. Nakita nila ang walang-kapantay na pag-ibig ng Tagapagligtas, na naihayag sa Kanyang buong paglalakbay sa lupa, mula sa sabsaban ng Bethlehem hanggang sa krus ng Kalbaryo, at ang pagmasdan Siya'y nakaaakit, pinalalambot at pinasusuko ang kaluluwa. Nagigising ang pag-ibig sa puso ng mga tumitingin. Naririnig nila ang tinig Niya, at sila'y sumusunod sa Kanya. . . . KDB 51.3

Ang landas ay maaaring matarik at baku-bako, ngunit naglakbay si Jesus sa daang iyan; tinapakan ng Kanyang mga paa ang malulupit na tinik, upang gawing madali ang daan para sa atin. Bawat pabigat na tinawag tayong pasanin, Siya mismo ang nagpasan. KDB 51.4

Bagaman ngayon ay umakyat Siya sa presensya ng Diyos, at nakikibahagi sa luklukan ng sansinukob, hindi nawala kay Jesus ang Kanyang likas na pagkamahabagin. Ngayon ang parehong mapagmahal at mapagmalasakit na puso ay bukas sa lahat ng kapighatian ng sangkatauhan. Ngayon ang kamay na ipinako ay umaabot upang mas masaganang pagpalain ang Kanyang mga anak na nasa mundo. . . . Ang Tagapagligtas ay dumaan sa paghihirap ng Kalbaryo, upang may maligtas sa Kanyang kaharian. Hindi Niya kailanman iiwan ang isa na Kanyang kinamatayan. Maliban kung pipiliin ng Kanyang mga tagasunod ang lisanin Siya, Siya'y hahawak nang mahigpit sa kanila.— The Desire of Ages, p. 480. KDB 51.5