Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Naaalala Niya na Tayo'y Alabok, Pebrero12
Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang PANGINOON sa mga natatakot sa kanya. Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman, naaalala niya na tayo'y alabok. Awit 103:13, 14. KDB 50.1
Ang parehong kapangyarihan na ginamit ni Cristo nang Siya'y nakitang lumakad kasama ang mga tao ay nasa Kanyang salita. Ito'y sa pamamagitan ng Kanyang salita na nagpagaling si Jesus ng sakit at nagpalayas ng mga demonyo; sa pamamagitan ng Kanyang salita ay pinatahimik Niya ang dagat, at binuhay ang patay; at nagpatotoo ang mga tao na ang Kanyang salita ay may kapangyarihan. Sinalita Niya ang Salita ng Diyos, tulad ng pagsasalita Niya sa lahat ng mga propeta at mga tagapagturo ng Lumang Tipan. Ang buong Biblia ay kapahayagan ni Cristo. KDB 50.2
Ang mga Kasulatan ay dapat tanggapin bilang Salita ng Diyos sa atin, hindi sinulat lamang, kundi sinalita. Nang ang mga napipighati ay lumapit kay Cristo, Kanyang tiningnan hindi lamang ang mga humihingi ng tulong, kundi ang lahat sa buong kapanahunan na lalapit sa Kanya na may katulad na pangangailangan at katulad na pananampalataya. Nang sinabi Niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;” nang sinabi Niya sa babaeng taga-Capernaum, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa,” Siya'y nagsalita sa iba pang napipighati, mga nabibigatan sa kasalanan na dapat humanap ng Kanyang tulong. KDB 50.3
Gayon din sa lahat ng mga pangako ng Salita ng Diyos. Sa pamamagitan nila'y nagsasalita Siya sa bawat isa sa atin, direktang nagsasalita na para bang napakikinggan natin ang Kanyang tinig. Sa mga pangakong ito ipinababatid ni Cristo sa atin ang Kanyang biyaya at kapangyarihan. Ito'y mga dahon mula sa punong iyon na “para sa pagpapagaling sa mga bansa.” Tinanggap, naunawaan, ito ang mga magiging lakas ng karakter, ang inspirasyon at pagkain ng buhay. Wala ng iba pa ang maaaring magkaroon ng ganitong kapangyarihan sa pagpapagaling. Wala ng iba ang makapagbibigay ng lakas ng loob at pananampalataya, na nagbibigay ng napakahalagang enerhiya sa buong pagkatao.— The Ministry of Healing, p. 122. KDB 50.4