Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

43/376

Ang Pag-ibig ng Diyos Ay Naghahayag ng Kanyang Karakter, Pebrero 10

Ang PANGINOON ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag, Ang PANGINOON, ang PANGINOON, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan. Exodo 34:6. KDB 48.1

Isang pribilehiyo sa atin ang maabot nang mas mataas at mas mataas pa, para sa mas malinaw na kapahayagan ng karakter ng Diyos. . . . Ang kasalanan ang nagpapadilim ng ating mga kaisipan at nagpapalabo ng ating mga pang-unawa. Habang ang kasalanan ay nililinis mula sa ating mga puso, ang liwanag ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo, na nililiwanagan ang Kanyang Salita, at sumasalamin sa mukha ng kalikasan, higit at higit pang lubos na maihahayag Siya na “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan.” . . . KDB 48.2

Para sa mga humahawak sa mga banal na kasiguruhan ng Salita ng Diyos, may mga kamangha-manghang posibilidad. Sa harap nila ay nakalatag ang malalawak na bukirin ng katotohanan, malawak na mapagkukunan ng kapangyarihan. Dakilang mga bagay ang mahahayag. Mga pribilehiyo at mga tungkulin na hindi nila naisip na nasa Biblia ay mahahayag. Lahat ng lumalakad sa daan ng mapagpakumbabang pagsunod, na tinutupad ang Kanyang layunin, ay higit at higit na malalaman ang mga tagubilin ng Diyos. KDB 48.3

Hayaan ang mag-aaral na kunin ang Biblia bilang kanyang gabay, at tumayong matatag sa prinsipyo, at maaari siyang maghangad ng kahit anumang antas ng pagkamit. Ang lahat ng pilosopiya ng likas ng tao ay nagdulot ng kalituhan at kahihiyan nang ang Diyos ay hindi kinilala bilang lahat sa lahat. Ngunit ang mahalagang pananampalataya na galing sa Diyos ay nagbibigay ng lakas at dangal ng pagkatao. Habang ang Kanyang kabutihan, ang Kanyang kahabagan, at ang Kanyang pag-ibig ay isinasaisip, magiging malinaw at mas malinaw pa ang pang-unawa sa katotohanan; mas mataas, mas banal, ang pagnanais para sa kadalisayan ng puso at kalinawan ng kaisipan. Ang kaluluwang nananahan sa dalisay na kapaligiran ng banal na kaisipan ay binago ng pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang Salita.— The Ministry of Healing, pp. 464-466. KDB 48.4