Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pag-ibig ng Diyos Ay Mas Higit sa Buhay Mismo, Pebrero 8
Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan. Juan 15:13. KDB 46.1
Si Cristo ay hindi nagbigay ng tipid na paglilingkod. Hindi Niya sinukat ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng oras. Ang Kanyang panahon, Kanyang puso, Kanyang diwa at lakas, ay ibinigay upang gumawa para sa pakinabang ng sangkatauhan. Sa nakapapagod na mga araw Siya ay nagpagal, at sa mahahabang mga gabi Siya'y nakayuko sa panalangin para sa biyaya at tatag upang makagawa Siya ng mas malaking gawain. Ipinadala Niya ang Kanyang mga kahilingan sa langit nang may malakas na pagtangis at luha, upang ang Kanyang likas na pagkatao ay mapatatag, upang Siya'y maging handa sa pagsalubong sa tusong kaaway sa lahat ng kanyang mapanlinlang na mga gawa, at mapatibay sa pagganap sa Kanyang misyon sa pagpapaunlad ng sangkatauhan. . . . “Ang pag-ibig ni Cristo,” sinabi ni Pablo, “ang humihimok sa atin.” Ito ang kumikilos na prinsipyo sa kanyang pag-uugali; ito ang kanyang lakas ng motibo. Kung sakaling ang kanyang kasiglahan sa landas ng tungkulin ay pansamantalang humina, isang sulyap sa krus ay magpapanariwa muli sa kanyang isipan upang magpatuloy sa daan ng pagtanggi sa sarili. Sa kanyang paggawa para sa kanyang mga kapatid siya'y labis na nakadepende sa kapahayagan ng walang-hanggang pag-ibig sa sakripisyo ni Cristo, kasama ang dumadaig at pumipigil na kapangyarihan nito. . . . KDB 46.2
Sa buhay ni Cristo, ang lahat ay ginawang mas mababa sa Kanyang gawain, ang malaking gawain ng pagtubos na Kanyang ipinunta upang ganapin. At ang parehong pagmamalasakit, ang parehong pagtanggi sa sarili at sakripisyo, ang parehong pagpapasakop sa pag-aangkin ng Salita ng Diyos, ay kailangang makita sa Kanyang mga alagad. Lahat ng tumatanggap kay Cristo bilang kanyang personal na Tagapagligtas ay mananabik sa pribilehiyong maglingkod sa Diyos. Sa pagninilay-nilay sa kung ano ang ginawa ng langit para sa kanya, ang kanyang puso ay matitinag ng walang-hanggang pag-ibig at magiliw na pasasalamat.— The Ministry of Healing, pp. 500-502. KDB 46.3
Ang walang-hanggang pag-ibig ng Diyos ay naihayag sa kaloob na Kanyang bugtong na Anak upang tubusin ang nagkasalang lahi.— Patriarchs and Prophets, p. 469. KDB 46.4