Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pag-ibig ng Diyos Ay Nagkakaloob Para sa Araw-araw na Pangangailangan, Pebrero 6
Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin, at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain. Binubuksan mo ang iyong kamay, binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay. Awit 145:15, 16. KDB 44.1
Ito'y sa pamamagitan ng kaloob ni Cristo na tinatanggap natin ang bawat pagpapala. Sa pamamagitan ng kaloob na iyon, dumarating sa atin araw-araw ang walang kabiguang pagdaloy ng kabutihan ni Jehova. Ang bawat bulaklak, kasama ang magagandang kulay at matamis na samyo nito, ay ibinigay para sa ating kasiyahan sa pamamagitan ng isang Kaloob na iyon. Ang araw at buwan ay nilikha Niya; walang ni isang tala na nagpapaganda sa mga kalangitan ang hindi Niya ginawa. Walang ni isang uri ng pagkain sa ating mesa ang hindi Niya ibinigay para ating kainin. Ang tatak ni Cristo ay nasa lahat ng mga iyon. Lahat ay ibinigay sa tao sa pamamagitan ng isang hindi mailarawang Kaloob, ang bugtong na Anak ng Diyos. Siya ay napako sa krus upang ang lahat ng mga biyayang ito ay dumaloy sa mga nilikha ng Diyos.—Testimonies for the Church, vol. 8, pp. 287, 288. KDB 44.2
“Ang Diyos ay pag-ibig,” ay naisulat sa bawat usbong na namumukadkad, sa bawat taluktok ng sumisibol na damo. Ang kaibig-ibig na mga ibon ay binibigyan ng tinig ang hangin sa pamamagitan ng kanilang mga masasayang awitin, ang mga maingat na kinulayang mga bulaklak sa kanilang kasakdalan ay pinababango ang hangin, ang matatayog na mga puno ng kagubatan kasama ang kanilang masaganang dahon na luntian—lahat ay nagpapatotoo sa maingat at makaamang pagmamalasakit ng ating Diyos, at sa Kanyang pagnanais na pasayahin ang Kanyang mga anak. . . . KDB 44.3
Ang ating mga puso ay itinali ng Diyos sa Kanya sa pamamagitan ng hindi mabilang na mga tanda sa langit at sa lupa. Sa pamamagitan ng mga bagay sa kalikasan, at sa pinakamalalim at pinakamaingat na makamundong ugnayan na maaaring malaman ng puso ng tao. Kanyang hinangad na ilahad ang Kanyang sarili sa atin. Ngunit kahit ang mga di-perpektong bagay na ito ay kumakatawan sa Kanyang pag-ibig.—steps to Christ, p. 10. KDB 44.4