Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Inibig ni Cristo ang Kanya Hanggang sa Katapusan, , Pebrero 5
Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan. Juan 13:1. KDB 43.1
Sa itaas na silid sa isang tirahan sa Jerusalem, si Cristo ay nakaupo sa isang mesa kasama ang Kanyang mga alagad. Sila ay nagtipon upang ipagdiwang ang Paskuwa. Ninais ng Tagapagligtas na ipagdiwang ang kapistahang ito kasama lamang ang labindalawa. Alam Niyang dumating na ang Kanyang oras; Siya mismo ang tunay na korderong ihahandog, at sa araw na ang Paskuwa ay kakainin, Siya ay iaalay. Malapit na Niyang inumin ang saro ng poot; malapit na Niyang tanggapin ang huling bautismo ng pagdurusa. Ngunit kaunting tahimik na mga oras pa ang nalalabi sa Kanya, at ito ay gugugulin para sa kapakinabangan ng Kanyang mga minamahal na alagad. . . . KDB 43.2
Siya ngayon ay nasa anino na ng krus, at ang sakit ay labis na nagpapahirap sa Kanyang puso. Alam Niyang Siya ay tatalikuran sa oras na Siya'y pagtaksilan. Alam Niyang sa pamamagitan ng pinakanakahihiyang pamamaraan na dinadanas ng mga kriminal, Siya ay mamamatay. Alam Niya ang kawalan ng pasasalamat at kalupitan ng mga taong Kanyang ililigtas. Alam Niya kung gaano kalaki ang sakripisyo na dapat Niyang gawin, at kung paanong sa karamihan ito ay magiging walang kabuluhan. Nalalaman ang mga bagay na nasa harap Niya, likas na Siya'y nililipos ng kaisipan ng Kanyang sariling kahihiyan at pagdurusa. Ngunit Siya'y tumingin sa labindalawa, na nakasama Niya bilang Kanya, na pagkatapos ng Kanyang kahihiyan, pighati at masakit na paggamit sa Kanya, ay maiiwan upang makipagpunyagi sa mundo. Ang Kanyang mga iniisip tungkol sa mga bagay na Kanyang pagdurusahan ay laging nakaugnay sa Kanyang mga alagad. Hindi Niya inisip ang Kanyang sarili. Ang Kanyang pagmamalasakit sa kanila ang nangingibabaw sa Kanyang isipan.— The Desire of Ages, pp. 642, 643. KDB 43.3