Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Iniibig Tayo ni Cristo Tulad sa Kung Paano Siya Iniibig ng Ama, Pebrero 4
Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal. Juan 17:23. KDB 42.1
Itinuturo sa atin ni Jesus na tawagin ang Kanyang Ama na ating Ama. Hindi Siya nahihiyang tawagin tayong kapatid. Handang-handa, at sabik na sabik ang puso ng Tagapagligtas na tanggapin tayo bilang bahagi ng pamilya ng Diyos, na sa pinakaunang mga salita na ating gagamitin sa paglapit sa Diyos, inilalagay Niya ang kasiguraduhan ng ating banal na relasyon sa Kanya—”Ama namin.” Narito ang anunsyo ng napakagandang katotohanan, punong-puno ng pampatibay-loob at kaaliwan, na iniibig tayo ng Diyos sa kung paano Niya iniibig ang Kanyang Anak. . . . KDB 42.2
Ang mundong inangkin at pinamunuan ni Satanas nang may malupit na paniniil, ang Anak ng Diyos, sa isang malaking pagtatagumpay, ay binalot sa Kanyang pag-ibig, at muling iniugnay sa luklukan ni Jehova. Ang kerubin at serafin, at ang hindi mabilang na hukbo ng mga di-nagkasalang mundo, ay umawit ng awitin ng papuri sa Diyos at sa Cordero nang masiguro ang tagumpay. Sila'y nagalak na ang daan ng kaligtasan ay binuksan sa nagkasalang lahi, at ang mundo ay matutubos mula sa sumpa ng kasalanan. Gaano ngang dapat magalak ang mga taong tumanggap ng kamangha-manghang pag-ibig na iyan! . . . Ang pinakaunang hakbang sa paglapit sa Diyos ay ang alamin at paniwalaan ang pag-ibig Niya sa atin; dahil sa pamamagitan ng pag-akay ng Kanyang pag-ibig ay tayo'y dinadala papunta sa Kanya. KDB 42.3
Ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos ay gumagawa upang itakwil ang pagiging makasarili. Sa pagtawag sa Diyos na Ama natin, kinikilala natin ang lahat ng Kanyang mga anak bilang ating mga kapatid. Tayong lahat ay bahagi ng buong sangkatauhan, lahat ay bahagi ng isang pamilya. Sa ating mga panalangin ay dapat nating isama ang ating kapwa pati narin ang ating mga sarili. Walang nananalangin nang tama na naghahangad ng pagpapala para lamang sa kanyang sarili.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 103-105. KDB 42.4