Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pag-ibig ni Cristo Ay Tulad ng Pag-ibig ng Ama, Pebrero 2
Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. Juan 15:9, 10. KDB 40.1
Si Cristo ay naparito upang isiwalat sa mundo ang Diyos bilang Diyos ng pag-ibig, puno ng kaawaan, pagmamahal, at kahabagan. Ang makapal na kadiliman kung saan pinagsikapan ni Satanas na ibalot sa trono ng Diyos ay pinawi ng Manunubos ng mundo, at ang Ama ay muling naihayag sa mga tao bilang liwanag ng buhay. KDB 40.2
Nang lumapit si Felipe kay Jesus na may kahilingan, “ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na,” sinagot Siya ng Tagapagligtas, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’ ” Ipinahayag ni Cristo ang Kanyang sarili na isinugo sa mundo bilang kinatawan ng Ama. Sa kadakilaan ng Kanyang karakter, sa Kanyang mahabaging awa, sa Kanyang pag-ibig at kabutihan, Siya ay tumatayo sa harap natin bilang sagisag ng maka-Diyos na kasakdalan, ang larawan ng Diyos na hindi nakikita. KDB 40.3
Sinasabi ng apostol, “Kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili.” Tanging sa ating pagbubulay-bulay ng dakilang plano ng pagtubos tayo ay magkakaroon ng tamang pagpapahalaga sa katangian ng Diyos. Ang gawain ng paglalang ay isang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig: ngunit ang kaloob ng Diyos upang iligtas ang makasalanan at nasirang lahi, ang tanging naghahayag ng walang katapusang kalaliman ng banal na pag-ibig at kahabagan. . . . Anong pag-ibig, anong walang kapantay na pag-ibig, na kahit tayo'y mga makasalanan at nahiwalay, ay maaaring maibalik sa Diyos, at tanggapin sa Kanyang pamilya! Maaari natin Siyang tawagin sa pamamagitan ng Kanyang kaibig-ibig na pangalan, “Ama namin,” na isang tanda ng ating pagmamahal sa Kanya, at isang pangako ng Kanyang mapagmahal na pagpapahalaga at relasyon sa atin. At ang Anak ng Diyos, na nakatanaw sa mga tagapagmana ng biyaya, “ay hindi nahihiya na tawagin silang mga kapatid.”— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 739, 740. KDB 40.4