Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

311/376

Ipinangako ang Pag-ibig ng Diyos, Oktubre 29

Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin. 2 Corinto 5:14. KDB 317.1

Bagaman naitataboy pabalik ang Kanyang pag-ibig ng matigas na puso, nagbabalik Siya upang magsumamo nang may higit na kalakasan. “Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok.” Inuudyukan ng nananaig na kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig na pumasok ang mga kaluluwa. . . . Ibibigay ni Cristo sa Kanyang mga sugo ang gayon ding nasasabik na pagmamahal na tinataglay Niya mismo sa paghahanap sa mga nawaglit. Hindi natin dapat basta sinasabi ang, “Halika.” Mayroong mga nakaririnig sa panawagan, ngunit labis na mahina ang kanilang mga pandinig upang tanggapin ang kahulugan nito. Labis na bulag ang kanilang mga mata upang makakita ng anumang bagay na inilaan para sa kanila. Marami ang napagtatanto ang malaking degradasyon na nangyari sa kanila. Sinasabi nila, “Hindi ako angkop na matulungan, pabayaan mo ako.” Ngunit hindi dapat magtigil ang mga manggagawa. Hawakan ninyo sa matimyas at nahahabag na pagmamahal ang mga pinanghihinaan ng loob at mahihina. Bigyan ninyo sila ng inyong katapangan, ng inyong pag-asa, ng inyong kalakasan. Sa pamamagitan ng kabutihan, udyukan ninyo silang lumapit. . . . KDB 317.2

Kung lalakad ang mga lingkod ng Diyos na kasama Niya sa pananampalataya, bibigyan Niya ng kapangyarihan ang kanilang mensahe. Mabibigyan sila ng kakayanan na maghayag ng Kanyang pag-ibig at ng panganib na tanggihan ang biyaya ng Diyos, upang maudyukan ang mga tao na tanggapin ang ebanghelyo. KDB 317.3

Gagawa ng mga kamangha-manghang mga himala si Cristo kung gagawin lamang ng mga tao ang kanilang bahaging ibinigay ng Diyos. Maaaring magawa ang napakalaking pagbabago sa puso ng mga tao ngayon na hindi pa nagagawa sa mga nakalipas na henerasyon. . . . Sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Diyos, maraming abang itinakwil na mababawi, at magnanasang mapanumbalik ang wangis ng Diyos sa tao. May mga taong nagkaroon lamang ng napakakaunting pagkakataon, na lumakad sa mga landas ng pagkakamali dahil wala silang alam na higit na mabuti, na masisilayan ng mga sinag ng liwanag. . . . Marami ang magmumula sa pinakamalubhang pagkakamali at kasalanan, at kukunin ang lugar ng iba na nagkaroon ng mga pagkakataon at pribilehiyo ngunit hindi pinahalagahan ang mga iyon.— Christ’s Object Lessons, pp. 235,236. KDB 317.4