Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

312/376

Sinasamahan ng Diyos ang Kanyang mga Lingkod, Oktubre 30

Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon. Josue 1:9. KDB 318.1

Ibinigay sa mga tao ang gawain ng paglalahad ng mga tagumpay ng krus sa iba't ibang dako. Bilang Ulo ng iglesya, may kapangyarihang tinatawagan ni Cristo ang bawat isa na nag-aangking nananampalataya sa Kanya na sumunod sa Kanyang halimbawa ng pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo sa paggawa para sa pagkahikayat nilang pinagsisikapang wasakin ni Satanas at ng kanyang malaking hukbo gamit ang bawat kapangyarihan. Tinatawagan ang bayan ng Diyos na magkaisa na walang pagkaantala sa ilalim ng nabahiran ng dugong bandera ni Cristo Jesus. Walang tigil nilang dapat na ipagpatuloy ang pakikidigma laban sa kaaway, na idinidiin ang pakikipaglaban maging hanggang sa mga pintuan. At sinumang maidagdag sa bilang sa pamamagitan ng pagkahikayat ay dapat na maitalaga sa kanyang lugar. Lahat ay dapat na maging handang maging o gawin ang anuman sa digmaang ito. Kapag nagsusumikap ang mga kaanib sa iglesya upang isulong ang mensahe, mabubuhay sila sa kagalakan ng Panginoon, at magkakaroon ng tagumpay. Palaging sinusundan ng tagumpay ang matiyagang pagsusumikap. KDB 318.2

Sa Kanyang tungkulin bilang tagapamagitan, ibinibigay ni Cristo sa Kanyang mga lingkod ang presensya ng Banal na Espiritu. Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang nagbibigay kakayanan sa mga tao na maging kinatawan ng Manunubos sa gawain ng pagliligtas ng kaluluwa. Upang makiisa tayo kay Cristo sa gawaing ito, dapat nating ilagay ang ating mga sarili sa ilalim ng humuhubog na impluwensiya ng kanyang Espiritu. Sa pamamagitan ng kapangyarihang naibigay, maaari tayong makipagtulungan sa Panginoon na may bigkis ng pagkakaisa bilang mga manggagawang kasama Niya sa pagkaligtas ng mga kaluluwa. Sa lahat ng nagbibigay ng kanilang mga sarili sa Panginoon para sa paglilingkod, na walang ipinagkakait, ipinagkakaloob ang kapangyarihan para makamit ang hindi masukat na mga bunga. Ang Panginoong Diyos ay nakatali sa pamamagitan ng isang walang-hanggang pangako na tustusan ng kapangyarihan at biyaya ang bawat isa na pinabanal sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan.— Testimonies for the Church, vol. 7, pp. 30, 31. KDB 318.3