Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Dapat Nating Isagawa ang Sarili Nating Kaligtasan, Enero 24
Ang tagumpay ay hindi makakamit nang walang taimtim na pananalangin, nang walang pagpapakumbaba sa bawat hakbang. Ang ating kalooban ay hindi pinipilit sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng langit, ngunit dapat kusang- loob na ipasakop.—Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 141, 142. KDB 30.1
Ang Cristianong pamumuhay ay pakikipaglaban at pag-usad. Ngunit ang tagumpay na kailangang matamo ay hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. Ang lugar ng labanan ay ang lugar sa puso. Ang labang kailangang harapin natin—ang pinakamatinding laban na kinaharap ng tao—ay ang pagsuko ng sarili sa kalooban ng Diyos, ang pagpapasakop ng puso sa kapangyarihan ng pag-ibig. Ang dating likas, na ipinanganak ng dugo at ng kalooban ng laman, ay hindi maaaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ang minanang hilig, ang dating mga kaugalian, ay dapat bitawan. KDB 30.2
Siyang nagsisikap na makapasok sa espirituwal na kaharian ay masusumpungang ang lahat ng kapangyarihan at mga simbuyo ng damdamin ng hindi nabagong likas, na sinusuportahan ng puwersa ng kapangyarihan ng kadiliman, ay sama-samang laban sa kanya. Ang pagkamakasarili at pagmamataas ay titindig laban sa anumang magpapakita ng kanilang pagiging makasalanan. Hindi maaari, sa pamamagitan ng ating sarili, na mapagtagumpayan ang masasamang pagnanasa at mga kaugalian na nagsisikap para sa pangingibabaw. Hindi natin mapagtatagumpayan ang makapangyarihang kalaban na humahawak sa atin sa kanyang pang-aalipin. Tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng tagumpay. Nais Niyang tayo ay magkaroon ng tagumpay sa ating mga sarili, sa ating mga sariling mga kalooban at pamamaraan. Ngunit Siya'y hindi makagagawa sa atin na wala ang ating pahintulot at pakikipagtulungan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa pamamagitan ng kakayanan at kapangyarihan na ibinigay sa tao. Ang ating lakas ay hinihinging makipagtulungan sa Diyos. KDB 30.3