Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

24/376

Dapat Tayong Matakot at Maglingkod sa Panginoon, Enero 23

Matakot ka sa PANGINOON mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka. Deuteronomio 10:20. KDB 29.1

Layunin ng Diyos na ipakita sa pamamagitan ng Kanyang bayan ang mga prinsipyo ng Kanyang kaharian. Na sa buhay at karakter ay kanilang maipakita ang mga prinsipyong ito. Kanyang nais na maihiwalay sila mula sa mga kaugalian, gawi, at nakasanayan ng sanlibutan. Sinisikap Niyang madala sila palapit sa Kanyang sarili, upang Kanyang maipahayag sa kanila ang Kanyang kalooban. . . . Sa pamamagitan ng kamay na makapangyarihan at nakabukas na bisig, inilabas ng Diyos ang mga Hebreo mula sa lupain ng pagkaalipin. Kahanga-hanga ang pagliligtas na Kanyang ginawa para sa kanila, pinarurusahan ang kanilang mga kaaway, na tumangging dinggin ang Kanyang Salita, ng lubos na pagkawasak. KDB 29.2

Nais ng Diyos na dalhin ang Kanyang bayan na hiwalay sa sanlibutan, at ihanda sila na tanggapin ang Kanyang Salita. Mula sa Ehipto ay pinangunahan Niya sila tungo sa Sinai, kung saan Kanyang ipinakita sa kanila ang Kanyang kaluwalhatian. Dito ay walang makakukuha ng kanilang pandama o maglilihis ng kanilang isipan mula sa Diyos; at habang ang lubhang karamihan ay nakatingin sa mataas na mga bundok na nakatayong mataas sa kanila, kanilang naunawaan ang sariling kawalan sa paningin ng Diyos. Sa tabi ng mga batong ito, na hindi kayang magalaw maliban sa kapangyarihan ng kalooban ng kaitaasan, ang Diyos ay nakikipag-usap sa mga tao. At upang ang Kanyang Salita ay maging maliwanag at malinaw sa kanilang mga isipan, Kanyang ipinahayag ang kautusan na Kanyang ibinigay sa Eden sa kalagitnaan ng mga kulog at kidlat at taglay ang nakakikilabot na karingalan, na siyang kapahayagan ng Kanyang karakter. At ang mga salita ay isinulat sa mga tapyas ng bato sa pamamagitan ng daliri ng Diyos. Sa gayon ang kalooban ng walang-hanggang Diyos ay naihayag sa mga taong tinawag upang ipakilala sa lahat ng mga bansa, bayan, at wika ang mga prinsipyo ng Kanyang gobyerno sa langit at sa lupa. Sa gayon ding gawain ay tinawag Niya ang Kanyang bayan sa kapanahunang ito. Sa kanila ay Kanyang inihayag ang Kanyang kalooban, at sa kanila ay Kanyang inaasahan ang pagsunod.— Testimonies for the Church, vol. 6, pp. 9,10. KDB 29.3