Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hinugasan Tayo ni Cristo sa Kanyang Sariling Dugo, Agosto 23
Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo. Apocalipsis 1:5. KDB 248.1
Maaaring bumulong si Satanas, “Lubusang makasalanan ka para mailigtas ni Cristo.” Habang kinikilala mo na ikaw ay talagang makasalanan at di-karapat-dapat, maaari mong harapin ang manunukso at sabihing, “Sa bisa ng pagtubos, inaangkin ko si Cristo bilang aking Tagapagligtas. Hindi ako nagtitiwala sa sarili kong merito, ngunit sa mahalagang dugo ni Jesus, na naglilinis sa akin. Sa sandaling ito ay ipinagkakatiwala ko ang aking mahinang kaluluwa kay Cristo.”— Messages to Young People, p. 112. KDB 248.2
Ang tao ay nasa ilalim ng pagkondena ng paglabag sa kautusan. Hindi Niya maililigtas ang kanyang sarili, at sa kadahilanang ito ay dumating si Cristo sa mundong ito, na dinamtan ang Kanyang pagka-Diyos ng pagkatao, at ibinigay ang Kanyang buhay, ang makatarungan para sa mga di-makatarungan. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan, at sa bawat kaluluwa ay malaya Niyang inaalok ang kapatawarang binili ng dugo.— Christ’s object Lessons, pp. 244, 245. KDB 248.3
Ang mga anghel ay tumitinging may paghanga at pagkamangha sa misyon ni Cristo sa mundo. Namangha sila sa pagmamahal na kumilos sa Kanya na ibigay ang Kanyang sarili bilang isang sakripisyo para sa mga kasalanan ng tao. Ngunit gaanong di-kaseryoso ang pagkilala ng mga tao sa pagbili ng Kanyang dugo!— Gospel Workers, p. 497. KDB 248.4
Habang ang kamangha-mangha, di-matutumbasang Kaloob ay iginawad, ang buong makalangit na uniberso ay malakas na napukaw, sa pagsisikap na unawain ang hindi mawaring pag-ibig ng Diyos. . . . Tayo ba . . . ay hihinto sa pagitan ng dalawang opinyon? Ang ibabalik ba natin sa Diyos ay kakaunti sa kakayahan at kapangyarihan na ipinahiram Niya sa atin? Paano natin ito magagawa samantalang nalalaman natin na Siyang Pinuno ng lahat ng langit ay itinabi ang Kanyang maharlikang kasuotan at maharlikang korona, at, nababatid ang kawalan ng kakayahan ng nahulog na lahi, ay naparito sa lupa sa likas ng tao upang gawing posible para sa atin na ipagkaisa ang ating kalikasang tao sa Kanyang pagka-Diyos?— Testimonies for the Church, vol. 7, p. 29. KDB 248.5