Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

216/376

Tungkol sa Akin, Tatawag Ako sa Diyos, Hulyo 29

Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos; at ililigtas ako ng PANGINOON. Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat, ako'y dadaing at tataghoy, at diringgin niya ang aking tinig. Awit 55:16, 17. KDB 222.1

Habang ipinalalagay si Cristo bilang ating pang-araw-araw na kasama, mararamdaman natin na ang mga kapangyarihan ng isang di-nakikitang mundo ay nasa paligid natin; at sa pamamagitan ng pagtingin kay Jesus, tayo ay magiging katulad ng Kanyang larawan. Sa pamamagitan ng pagtingin ay nababago tayo. Ang karakter ay napalalambot, nadadalisay, at napararangalan para sa kaharian sa langit. Ang tiyak na resulta ng ating pakikipag-ugnayan at pakikisama sa ating Panginoon ay upang madagdagan ang kabanalan, kadalisayan, at kasiglahan. Magkakaroon ng lumalagong talino sa pagdarasal. Tumatanggap tayo ng isang banal na edukasyon, at ito ay inilalarawan sa isang buhay ng kasipagan at kasigasigan. KDB 222.2

Ang kaluluwa na bumabaling sa Diyos para sa tulong, suporta, kapangyarihan, sa pamamagitan ng araw-araw at taimtim na pananalangin, ay magkakaroon ng marangal na hangarin, malinaw na pang-unawa sa katotohanan at tungkulin, matayog na hangarin ng pagkilos, at isang nagpapatuloy na pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran. Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng isang koneksyon sa Diyos, mabibigyang-kakayahan tayong ibahagi sa iba sa pamamagitan ng ating pakikisama sa kanila, ang liwanag, ang kapayapaan, ang katahimikan na namumuno sa ating mga puso. Ang lakas na nakuha sa pananalangin sa Diyos, na kaisa sa nagpapatuloy na pagsisikap sa pagsasanay ng isipan para sa pag- iisip at pangangalaga sa iba, ay naghahanda sa isa para sa pang-araw-araw na tungkulin, at nagpapanatili sa espiritu sa kapayapaan sa ilalim ng lahat ng mga pangyayari.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 85. KDB 222.3

Namumuhay tayo sa isang solemne, at mahalagang panahon ng kasaysayan ng mundong ito. Nasa gitna tayo ng mga panganib ng mga huling araw. Mahalaga at nakatatakot na mga kaganapan ang nasa harapan natin. . . . Dapat tayong magtungo sa Salita ng Diyos at sa panalangin, isa-isang hinahangad na hanapin ang Panginoon, upang masumpungan natin Siya. Ito ang unang tungkuling dapat nating gawin.— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 53. KDB 222.4