Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ako'y Tatawag Habang Ako'y Nabubuhay, Hulyo 26
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay. Awit 116:2. KDB 219.1
Dapat nating buksan nang patuloy ang pintuan ng puso, at ang ating paanyaya paitaas upang dumating at manatili si Jesus bilang isang makalangit na panauhin sa kaluluwa. KDB 219.2
Bagaman maaaring may nadungisan, nasirang kapaligiran, hindi natin dapat langhapin ang lason nito, ngunit maaaring mabuhay sa dalisay na hangin ng langit. Maaari nating isara ang bawat pintuan sa maruming mga pag-iisip at di-banal na kaisipan sa pag-aangat ng kaluluwa sa presensya ng Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin. Ang mga may bukas na puso para tanggapin ang suporta at pagpapala ng Diyos ay lalakad sa isang mas banal na kapaligiran kaysa sa lupa, at magkakaroon ng palagiang pakikipag-isa sa Langit. KDB 219.3
Kailangan nating magkaroon ng higit na malinaw na pananaw kay Jesus, at isang ganap na pagsasaalang-alang sa halaga ng mga walang-hanggang katotohanan. Ang kagandahan ng kabanalan ay dapat pumuno sa mga puso ng mga anak ng Diyos; at upang ang mga ito ay maisakatuparan, dapat nating hanapin ang banal na pagsisiwalat ng mga makalangit na bagay. KDB 219.4
Hayaang mailabas at mapataas ang kaluluwa, upang bigyan tayo ng Diyos ng hininga ng makalangit na kapaligiran. Maaari tayong manatiling malapit sa Diyos upang sa bawat di-inaasahang pagsubok, ang ating mga saloobin ay babaling sa Kanya na kasing natural na ng bulaklak na bumabaling sa araw. KDB 219.5
Ilapit ang iyong mga hinahangad, kagalakan, kalungkutan, pag-aalala, at mga takot, sa harap ng Diyos. Hindi Siya mabibigatan; hindi Siya mapapagod Dalhin sa Kanya ang lahat ng nakagugulo sa isipan. Walang napakalaking pasanin para sa Kanya ang hindi Niya mapapasan, dahil hawak-hawak Niya ang mga mundo, Siya'y namumuno sa lahat ng bagay sa sansinukob. Walang anumang bagay na may kinalaman sa ating kapayapaan ang napakaliit para hindi Niya mapansin.— steps to Christ, pp. 99, 100. KDB 219.6