Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Halimbawa ni Pablo, Hulyo 25
Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal. Colosas 1:9. KDB 218.1
Ang barkong sinasakyan ni Pablo at ng kanyang mga kasama kung saan sila magpapatuloy sa kanilang paglalakbay, ay malapit ng maglayag, at ang mga kapatiran ay nagmadaling sumakay. Ang apostol mismo, gayunpaman, ay piniling dumaan sa mas malapit na ruta sa lupa sa pagitan ng Troas at Asos, na makikipagtagpo sa kanyang mga kasama sa huling lunsod. Nagkaroon siya ng maikling panahon para sa pagmumuni-muni at pananalangin. Ang mga paghihirap at panganib na nauugnay sa kanyang darating na pagbisita sa Jerusalem, ang saloobin ng iglesya roon sa kanya at sa kanyang gawain, pati na rin ang kalagayan ng mga iglesya at ang interes ng gawaing ebanghelyo sa iba pang mga larangan, ay mga paksa ng masigasig, naliligalig na pag-iisip; at sinamantala niya ang espesyal na pagkakataong ito upang hanapin ang Diyos para sa kalakasan at patnubay.— The Acts of the Apostles, pp. 391, 392. KDB 218.2
Manalangin sa iyong maliit na silid; at sa iyong paghayo sa pang-araw-araw na gawain, hayaang palaging maitaas ang iyong puso sa Diyos. Sa gayong paraan lumakad si Enoc kasama ang Diyos. Ang mga tahimik na pananalangin na ito ay umaakyat tulad ng mahalagang insenso sa harap ng trono ng biyaya. Ang taong may pusong nananatili sa Diyos ay hindi mapapanagumpayan ni Satanas. KDB 218.3
Walang oras o lugar kung saan hindi nararapat na maghandog ng isang kahilingan sa Diyos. Walang makapipigil sa atin mula sa pag-aangat ng ating mga puso sa diwa ng taimtim na pananalangin. Sa karamihan ng tao sa kalye, sa gitna ng pakikipag-ugnayan sa negosyo, maaari tayong magpadala ng isang kahilingan sa Diyos, at makiusap para sa patnubay ng Diyos, tulad ng ginawa ni Nehemias nang humiling siya sa harap ni Haring Artaxerxes. Ang silid ng pakikipagniig ay maaaring matagpuan saan man tayo naroroon.—Steps to Christ, pp. 98, 99. KDB 218.4