Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Aking Kaluluwa Ay Nauuhaw sa Diyos, Hulyo 21
Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos. Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos, sa buhay na Diyos, kailan ako makakarating at makikita ang mukha ng Diyos? Awit 42:1, 2. KDB 214.1
Ang puso na minsa'y nakatikim ng pag-ibig ni Cristo, ay patuloy na humihiyaw para sa isang mas malalim na lagok, at sa iyong pagbabahagi, makatatanggap ka ng mas masustansya at mas masaganang takal. Bawat paghahayag ng Diyos sa kaluluwa ay nagdaragdag ng kakayahang makaalam at magmahal.—Thoughts From the Mount of Blessing, p. 20. KDB 214.2
Ang panawagan ni Cristo sa nauuhaw na kaluluwa ay nagpapatuloy pa rin, at nakikiusap ito sa atin na may higit na kapangyarihan kaysa mga nakarinig nito sa templo sa huling araw ng kapistahan. Ang balon ay bukas para sa lahat. Ang mga pagal at pagod ay nabibigyan ng nakagiginhawang lagok ng walang-hanggang buhay.—The Desire of Ages, p. 454. KDB 214.3
Ang pinakadakilang tagumpay na nakamit para sa gawain ng Diyos ay hindi bunga ng pinagsikapang argumento, sapat na pasilidad, malawak na impluwensiya, o kasaganahan ng kakayahan; ang mga ito ay nakakamit sa silid ng pagdinig ng Diyos, kapag sa taimtim, namimighating pananampalataya ang mga tao ay kumakapit sa malakas na braso ng kapangyarihan. KDB 214.4
Ang tunay na pananampalataya at tunay na panalangin—gaano ngang kalakas ang mga ito! Ang mga ito ay tulad ng dalawang kamay na ginagamit ng mga taong humihingi sa pagkapit sa kapangyarihan ng Walang-hanggang Pag-ibig. Ang pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos—pinaniniwalaang minamahal Niya tayo, at nalalaman Niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Kaya, sa halip na sa ating sariling paraan, inihahatid tayo nito na piliin ang Kanyang paraan. Sa halip ng ating kamangmangan, tinatanggap nito ang Kanyang karunungan; sa lugar ng ating kahinaan, ang Kanyang lakas; sa lugar ng ating pagkakasala, ang Kanyang katuwiran. Ang ating buhay, ang ating mga sarili ay sa Kanya na; kinikilala ng pananampalataya na Siya ang nagmamay-ari, at tinatanggap ang pagpapala nito. Ang katotohanan, katapatan, kadalisayan, ay itinuro bilang mga lihim ng tagumpay ng buhay. Ang pananampalataya ang dahilan sa pagkakaroon ng mga ito.— Gospel Workers, p. 259. KDB 214.5