Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pananampalataya at Paniniwala Ay Kinakailangan, Hulyo 15
At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya. Hebreo 11:6. KDB 208.1
Sa ilang pagkakataon ng pagpapagaling, hindi kaagad ipinagkakaloob ni Jesus ang hinahangad na pagpapala. Ngunit sa kaso ng ketong, karakarakang ito'y ipinagkaloob bago pa man magsumamo. Kapag nanalangin tayo para sa mga pagpapala sa lupa, maaaring maantala ang sagot sa ating panalangin, o ang Diyos ay maaaring magbigay sa atin ng bagay na iba sa ating hinihingi; ngunit hindi ganito sa tuwing humihingi tayo ng kaligtasan mula sa kasalanan. KDB 208.2
Kalooban Niyang linisin tayo mula sa kasalanan, para gawin tayong Kanyang mga anak, at tulungan tayong mamuhay ng isang banal na buhay. Si Cristo ay “nagbigay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.”—The Ministry of Healing, p. 70. KDB 208.3
Ito ang pananampalatayang nag-uugnay sa atin sa langit, at nagdadala sa atin ng lakas para makayanan ang mga kapangyarihan ng kadiliman. Kay Cristo, nagbigay ang Diyos ng paraan para supilin ang bawat masamang ugali, at labanan ang bawat tukso, gaanuman ito kalakas. Ngunit marami ang nag-iisip na kulang sila sa pananampalataya, at samakatuwid ay nanatili silang malayo kay Cristo. Hayaan ang mga kaluluwang ito, sa kanilang pagiging kawalang-kaya at di-karapat-dapat, na ihagis ang kanilang sarili sa awa ng kanilang mahabaging Tagapagligtas. Huwag tumingin sa sarili, kundi kay Cristo. Siyang nagpagaling ng mga maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo noong Siya'y lumakad sa gitna ng mga tao, ay Siya pa ring makapangyarihang Manunubos. Pagkatapos ay kumapit sa Kanyang mga pangako na gaya ng mga dahon mula sa puno ng buhay: “Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.” Sa paglapit mo sa Kanya, maniwalang tinatanggap ka Niya, sapagkat nangako Siya. Hindi ka kailanman mapapahamak habang ginagawa mo ito—hindi kailanman.— Ibid., pp. 65, 66. KDB 208.4
Sa panalangin ng pananampalataya ay mayroong isang banal na siyensya; ito'y isang siyensyang dapat maunawaan ng bawat isa na nagnanais na gawing matagumpay ang kanyang gawain sa buhay.— EDUCATION, p. 257. KDB 208.5