Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kapag Nagkasundo ang Dalawa, Ito Ay Gagawin, Hulyo 14
Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit. Mateo 18:19. KDB 207.1
Ang taimtim na mga panalangin ng tapat na iilan na ito ay hindi mawawalang-kabuluhan. Kapag dumating ang Panginoon bilang isang tagapaghiganti, Siya'y darating din bilang isang tagapagtanggol ng lahat ng mga nagpanatili ng pananampalataya sa kadalisayan nito, at nagpanatili ng kanilang mga sarili na walang dungis sa mundo. Sa panahong ito nangako ang Diyos na ipaghihiganti ang Kanyang sariling hinirang na umiiyak araw at gabi sa Kanya, bagaman Siya'y mahabang nagbata kasama nila.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 210. KDB 207.2
Taimtim na magsikap para sa pagkakaisa. Ipanalangin ito, gumawa para rito. Ito'y magdudulot ng espirituwal na kalusugan, kataasan ng pag-iisip, dangal ng pagkatao, makalangit na pag-iisip, nagbibigay-daan sa iyo upang mapagtagumpayan ang pagkamakasarili at masamang pagsasapantaha, at maging higit pa sa mga mananagumpay sa pamamagitan Niyang nagmamahal sa iyo, at nagbigay ng Kanyang sarili para sa iyo. Ipako ang sarili sa krus; ituring ang iba na mas mabuti kaysa iyong sarili. Sa gayon ikaw ay madadala sa pagiging isa kay Cristo. Sa harapan ng makalangit na uniberso, at harapan ng iglesya at ng mundo, magtataglay ka ng di-nagkakamaling katibayan na kayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Maluluwalhati ang Diyos sa halimbawa na iyong ipinakita. KDB 207.3
Kailangang makita ng mundo na nagagawa sa harapan nito ang himalang nagbibigkis sa mga puso ng bayan ng Diyos na magkakasama sa Cristianong pag-ibig. Kailangan nitong makita ang bayan ng Panginoon na magkakasamang nakaupo sa mga makalangit na lugar kay Cristo.— Ibid., vol. 9, p. 188. KDB 207.4
Tinatawagan ng Diyos ang Kanyang mga tapat, na naniniwala sa Kanya, na magsalita ng mga pampalakas ng loob sa mga di-naniniwala at walang pag-asa. Nawa'y tulungan tayo ng Panginoon na tulungan ang bawat isa, at magpatotoo para sa Kanya sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya.— Ibid., vol. 8, p. 12. KDB 207.5