Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Humingi, Upang Malubos ang Inyong Kagalakan, Hulyo 12
Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Kayo'y humingi at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan. Juan 16:24. KDB 205.1
Inilarawan ito sa akin na gaya ng mga batang humihingi ng pagpapala ng kanilang mga magulang sa lupa na nagmamahal sa kanila. Humihingi sila ng isang bagay na alam ng magulang na makasasama sa kanila; ibinibigay sa kanila ng magulang ang mga bagay na magiging mabuti at nakapagpapalusog sa kanila, kapalit ng kanilang ninanais. Nakita ko na ang bawat panalangin na ipinadalang may pananampalataya mula sa isang matapat na puso, ay maririnig ng Diyos at sasagutin, at ang nagpadala ng kahilingan ay magkakaroon ng pagpapala sa panahong higit niya itong kailangan, at madalas nitong hinihigitan ang kanyang mga inaasahan. Wala ni isang panalangin ng isang tunay na banal ang mawawala kung ipinadalang may pananampalataya, mula sa isang tapat na puso.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 121. KDB 205.2
Magbantay, manalangin, gumawa—ito ang sawikain ng Cristiano. Ang buhay ng isang tunay na Cristiano ay isang buhay ng patuloy na pananalangin. Alam niyang ang liwanag at kalakasan ng isang araw ay di-sapat sa mga susunod na pagsubok at salungatan. Patuloy na binabago ni Satanas ang kanyang mga tukso. Araw-araw tayong mailalagay sa iba't ibang mga pangyayari; at sa mga hindi nasusubukang eksenang naghihintay sa atin ay mapalilibutan tayo ng mga bagong panganib, at patuloy na sasalakayin ng mga bago at di-inaasahang tukso. Sa pamamagitan lamang ng lakas at biyayang natamo mula sa langit natin maaasahang maharap ang mga tukso at magawa ang mga tungkulin sa harapan natin. KDB 205.3
Humingi, kung gayon; humingi, at kayo'y tatanggap. Humingi ng kababaang- loob, karunungan, lakas ng loob, paglago ng pananampalataya. Sa bawat taos- pusong nananalangin, darating ang isang kasagutan. . . . Ang mga panalanging inihandog mo sa kalungkutan, sa kapaguran, sa pagsubok, ay sinasagot ng Diyos, hindi palaging ayon sa iyong inaasahan, ngunit palaging para sa iyong ikabubuti.— Gospel Workers, pp. 257, 258. KDB 205.4