Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Poprotekta ang Diyos, Hulyo 7
Hanapin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain, na sumusunod sa kanyang mga utos; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan, maaaring kayo'y maitago sa araw ng poot ng PANGINOON. Sefanias 2:3. KDB 200.1
Darating ang unos, at dapat tayong maghanda para sa galit nito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Babangon ang Panginoon upang labis na yanigin ang mundo. Makakikita tayo ng mga kaguluhan sa lahat ng dako. Libu-libong mga barko ang lulubog sa kailaliman ng dagat. Babagsak ang mga hukbong-dagat, at mga buhay ng tao ang isasakripisyo ng milyun-milyon. Magkakaroon ng mga sunog na di-inaasahan, at walang pagsisikap ng tao ang makapapawi nito. Ang mga palasyo ng lupa ay malilipol sa galit ng mga apoy. KDB 200.2
Ang mga sakuna sa pamamagitan ng tren ay magiging higit at higit na madalas; pagkalito, banggaan, at kamatayan na walang babala ang magaganap sa malalaking linya ng paglalakbay. Malapit na ang wakas, nagsasara na ang probasyon. Oh, hanapin natin ang Diyos habang Siya'y masusumpungan, tumawag sa Kanya habang Siya'y malapit pa!— Messages to Young People, pp. 89, 90. KDB 200.3
Huwag nawang mangyari, na ako'y huminto sa pagbibigay babala sa inyo. Mga kaibigang kabataan, hanapin ang Panginoon nang buong puso. Lumapit nang may kasigasigan, at kapag taos-puso ninyong naramdaman na mapapahamak kayo kung wala ang tulong ng Diyos, kapag nagkaroon kayo ng pananabik sa Kanya gaya ng pananabik ng usa sa mga sapa ng tubig, kung gayon mabilis kayong palalakasin ng Panginoon. Pagkatapos ay magkakaroon kayo ng kapayapaang di-masayod ng pag-iisip. Kung naghihintay kayo sa kaligtasan, dapat kayong manalangin. Mag-ukol ng panahon. Huwag magmadali at walang- ingat sa inyong mga panalangin. Makiusap sa Diyos na gumawa sa inyo ng isang masusing pagbabago, upang ang mga bunga ng Kanyang Espiritu ay manahan sa inyo, at kayo ay magningning bilang mga liwanag sa mundo. Huwag maging hadlang o sumpa sa gawain ng Diyos; maaari kayong maging isang tulong, isang pagpapala. Sinasabi ba sa inyo ni Satanas na hindi ninyo matatamasa ang kaligtasan, nang buo at malaya? Huwag kayong maniwala sa kanya.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 159. KDB 200.4