Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

193/376

Dinirinig ng Diyos ang Panalangin ng Napanghinaan ng Loob, Hulyo 6

Sa pagkatakot ay aking sinabi, Ako ay inilayo mula sa iyong paningin. Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing, nang ako'y dumaing sa iyo. Awit 31:22. KDB 199.1

Huwag panghinaan ng loob dahil sa tila matigas ang iyong puso. Ang bawat balakid, bawat panloob na kalaban, ay nagdaragdag lamang ng iyong pangangailangan kay Cristo. Siya'y dumating para alisin ang pusong bato, at bigyan ka ng isang pusong laman. Tumingin sa Kanya para sa espesyal na biyaya upang mapagtagumpayan ang iyong mga natatanging pagkakamali. . . . Humingi ng tulong sa mahal na Tagapagligtas upang maisakripisyo ang bawat diyus-diyosan, at upang maiwaksi ang bawat kinahuhumalingang kasalanan. Hayaang makita ng mata ng pananampalataya si Jesus na nakatayo sa harap ng trono ng Ama, na ipinakikita ang Kanyang mga sugatang kamay habang Siya'y nakikiusap para sa iyo. Maniwalang ang lakas ay darating sa iyo sa pamamagitan ng iyong pinakamamahal na Tagapagligtas.— Messages to Young People, p. 112. KDB 199.2

Ang unang pagtanggi sa pagsusumamo ng Espiritu ay naghahanda ng daan para sa ikalawang pagtanggi. Sa gayon, tumitigas ang puso at namamanhid ang konsyensya. KDB 199.3

Sa kabilang banda, bawat pagtanggi sa tukso ay mas nagpapadali para sa pagtanggi. Ang bawat pagtanggi sa sarili ay mas nagpapadali sa pagtanggi sa sarili. Bawat tagumpay na natamo ay naghahanda para sa isang sariwang tagumpay. Bawat pagtanggi sa tukso, bawat pagtanggi sa sarili, bawat tagumpay laban sa kasalanan, ay isang binhi na nahasik sa buhay na walang hanggan. Ang bawat dimakasariling kilos ay nagbibigay ng bagong lakas sa espirituwalidad May mga nakaunat na bisig Niyang inaantay na salubungin ang alibugha. Pumunta ka sa Kanya, at sabihin sa Kanya ang tungkol sa iyong mga pagkakamali at pagkabigo. Hilingan Siyang palakasin ka para sa sariwang pagsisikap. Hindi ka Niya kailanman bibiguin, hindi kailanman aabusuhin ang iyong kompiyansa. Darating sa iyo ang pagsubok. Sa gayon, pakikinisin ng Panginoon ang kagaspangan mula sa iyong pagkatao. Huwag bumulung-bulong. Pinahihirap mo ang pagsubok dahil sa pagrereklamo. Igalang ang Diyos sa pamamagitan ng masayang pagpapasakop. Matiyagang tiisin ang panggigipit.— Ibid., pp. 96, 97. KDB 199.4