Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kumapit sa Kalakasan ng Diyos, Hulyo 2
O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan, makipagpayapaan sila sa akin, makipagpayapaan sila sa akin. Isaias 27:5. KDB 195.1
Si Enoc ay isang taong may malakas at lubos na nalinang na kaisipan, at malawak na kaalaman; siya'y pinarangalan ng mga natatanging paghahayag mula sa Diyos; subalit sa kabila ng patuloy na pakikipag-isa sa langit, na may pakiramdam ng banal na kadakilaan at kasakdalan sa kanya, siya pa rin ay isa sa pinakamapagkumbaba sa mga tao. Kapag mas malapit ang koneksyon sa Diyos, mas malalim din ang pagkadama ng kanyang sariling kahinaan at kakulangan. KDB 195.2
Nababagabag ng dumaraming kasamaan ng mga hindi maka-Diyos, at natatakot na maging kabawasan sa kanyang pagpipitagan sa Diyos ang kanilang pagtataksil, iniwasan ni Enoc ang patuloy na pakikisama sa kanila, at gumugol ng mas maraming panahon sa pag-iisa, inilaan ang kanyang sarili sa pagmumuni- muni at pananalangin. Kaya siya'y naghintay sa harap ng Panginoon, naghahangad ng mas malinaw na kaalaman sa Kanyang kalooban, upang maisagawa niya ito. Para sa kanya ang panalangin ay tulad ng hininga ng kaluluwa; nabuhay siya sa mismong kapaligiran ng langit.—Patriarchs and Prophets, p. 85. KDB 195.3
Sa pakikipag-usap sa Diyos, mas lalo pang nasalamin ni Enoc ang banal na imahe. Ang kanyang mukha ay maningning na may isang banal na liwanag, na gaya ng liwanag na sumisinag mula sa mukha ni Jesus. Sa tuwing manggagaling siya sa mga banal na pakikipag-usap na ito, kahit ang mga hindi maka-Diyos ay namasdang may pagkamangha ang marka ng langit sa kanyang mukha.— Ibid., p. 87. KDB 195.4
Sinumang nasa ilalim ng saway ng Diyos na gagawing mapagpakumbaba ang kaluluwa na may pag-amin at pagsisisi, gaya ng ginawa ni David, ay maaaring masigurong may pag-asa para sa kanya. Sinumang may pananampalatayang tatanggap sa mga pangako ng Diyos, ay makasusumpong ng kapatawaran. Hindi kailanman itatakwil ng Panginoon ang isang tunay na nagsisising kaluluwa. Ibinigay Niya ang pangakong ito: “Kumapit sila sa Akin, . . . at makipagpayapaan sila sa Akin.”— Ibid., p. 726. KDB 195.5