Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kalakasan at Kagandahan ng Karakter, Hunyo 13
Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel; siya'y mamumukadkad gaya ng liryo, at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon. Ang kanyang mga sanga ay yayabong, at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo, at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon. Hoseas 14:5, 6. KDB 175.1
Nasa inyo, mga kabataang lalaki at babae, na magpasya kung kayo'y magiging mapagkakatiwalaan at matapat, na handa at matatag na maninindigan para sa tama sa ilalim ng lahat ng kalagayan. Nais ba ninyong makabuo ng mga tamang kaugalian? Kung gayo'y hanapin ninyo ang pakikisama nilang may maayos na moralidad, at ang kanilang layunin ay tungo sa mabuti. Ibinibigay ang mahahalagang oras ng pagsubok upang inyong tanggalin ang bawat kapintasan sa karakter, at ito'y kailangan ninyong sikaping gawin, hindi lamang para magkamit ng buhay sa hinaharap, kundi upang maging kapaki-pakinabang kayo sa buhay na ito. Puhunang may higit na kahalagahan kaysa ginto o pilak ang mabuting karakter. Hindi ito naaapektuhan ng mga pagkataranta o kabiguan, at sa araw na malilipol ang mga pag-aaring makalupa, magdadala ito ng saganang bunga. Ang integridad, katatagan, at pagtitiyaga ay mga katangiang dapat na naising matapat na linangin ng lahat; dahil dinadamtan ng mga ito ang nagtataglay ng kapangyarihang hindi matatanggihan—isang kapangyarihang nagpapalakas sa kanya upang gumawa ng kabutihan, upang labanan ang masama, upang batahin ang kahirapan. KDB 175.2
Ang pagmamahal sa katotohanan, at pagkakaroon ng pananagutan na luwalhatiin ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga pangganyak para mapagbuti ang kaisipan. Kung taglay ang damdaming ito na nagpapakilos, hindi magiging mahiligin sa walang kabuluhan ang mag-aaral. Palagi siyang magiging masikap. . . . Sa bawat lugar ay matatagpuan ang mga kabataang may mga pag-iisip na hinubog sa mahinang hulmahan. Kung napasama sa ganitong uri, silang naglagay ng kanilang mga sarili sa panig ni Cristo nang walang pasubali ay maninindigang matibay roon sa sinasabi ng katuwiran at ng konsyensya sa kung anong tama.— Counsels to Parents, Teachers, and students, pp. 225, 226. KDB 175.3