Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Lumalago sa Karunungan ng Diyos, Hunyo 12
Upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. Colosas 1:10. KDB 174.1
Pinakamabuti ang paggamit mo sa mga kaloob sa pamamagitan ng taimtim na pagsusumikap na isagawa ang dakilang panukala ng Panginoon para sa pagpapaangat sa sangkatauhan. Magtiyaga sa gawain na iyong sinimulan, hanggang makamit mo ang sunod-sunod na tagumpay. Turuan mo ang iyong sarili para sa layunin. Panatilihin mo sa iyong harapan ang pinakamataas na pamantayan, upang iyong makamit ang higit at mas higit na kabutihan, at sa ganito ay mababanaag ang kaluwalhatian ng Diyos.— Messages to Young People, p. 48. KDB 174.2
Huwag kang panghinaan ng loob dahil sa maraming gawaing kailangan mong gampanan sa buong buhay mo, dahil hindi ka hinihilingang gawin lahat ng ito nang minsanan. Itungo ang bawat kapangyarihan na nasa iyo sa bawat gawain sa isang araw, pagbutihin mo ang bawat pagkakataon, pahalagahan ang tulong na ibinibigay sa iyo ng Diyos, at umakyat ka sa hagdan ng pagsulong nang paunti-unti. Alalahanin mong kailangan mo lamang mabuhay isang araw sa isang panahon, na isang araw ang ibinigay sa iyo ng Diyos, at ipakikita ng talaan sa langit kung paano mo pinahalagahan ang mga pribilehiyo at pagkakataon nito. Nawa'y pagbutihin mo ang bawat araw na ibinigay sa iyo ng Diyos, na sa wakas maririnig mo ang Panginoon na nagsasabi, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin.”— Ibid., p. 46. KDB 174.3
Wala ng tila higit na kawalang-kaya, ngunit sa katunayan ay higit na hindi magagapi, kaysa sa kaluluwang nakadarama ng pagiging di-karapat-dapat, at lubos na nagtitiwala sa kabutihan ng Tagapagligtas. Ipadadala ng Diyos ang bawat anghel sa langit upang tulungan ang isang tulad niya, kaysa pahintulutan siyang magapi.— Testimonies for the Church, vol. 7, p. 17. KDB 174.4
Alalahanin mong ang relihiyon ay hindi lamang isa sa maraming impluwensiya sa iyong buhay; ito'y dapat na maging impluwensiyang nangingibabaw sa lahat ng iba. Maging mahigpit na mapagpigil. Tanggihan ang bawat tukso. Huwag mong pahihintulutan ang tusong kaaway.— Counsels to Parents, Teachers, and students, p. 489. KDB 174.5