Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Lumago sa Biyaya at sa Pagkakilala, Hunyo 14
Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 2 Pedro 3:18. KDB 176.1
Mga kaibigang kabataan, nasa pinakapundasyon ng lahat ng paglago ang takot sa Panginoon; ito ang pasimula ng karunungan. May mga pag-aangkin sa inyo ang inyong Ama sa Langit; dahil ibinibigay Niya sa inyo ang mga kayamanan ng Kanyang kabutihan kahit na walang paghingi o pagiging karapat-dapat sa inyong bahagi; at higit pa rito, ibinigay Niya sa inyo ang buong kalangitan sa iisang kaloob, sa Kanyang sinisintang Anak. KDB 176.2
Bilang kapalit para sa walang-hanggang kaloob na ito, hinihingi Niya ang inyong kusang-loob na pagsunod. Dahil binili kayo sa halaga, sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng Anak ng Diyos, hinihingi Niyang gamitin ninyo nang wasto ang mga pribilehiyong ibinigay sa inyo. KDB 176.3
Mga regalo ng Diyos ang inyong kakayahang intelektuwal at moral, mga talentong ipinagkatiwala sa inyo para sa matalinong pagpapabuti, at hindi kayo malayang pabayaan lamang sila na manatiling tulog dahil sa kakulangan ng paglilinang, o malumpo at mabansot dahil sa hindi paggamit. Nasa inyo ang pagpapasya kung matapat na matutupad ang mabibigat na pananagutang ibinigay sa inyo o hindi, kung ang mga pagsisikap ay napabuti at pinakamabuti. KDB 176.4
Nabubuhay tayo sa mga panganib ng mga huling araw. Interesado ang buong kalangitan sa mga karakter na inyong hinuhubog. Ibinigay na sa inyo ang lahat ng inyong kailangan, upang maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos, yamang nakatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. Hindi pinabayaan ang tao na gapiin ang mga kapangyarihan ng kasamaan sa pamamagitan ng sarili niyang mahihinang pagsisikap. Malapit sa kanya ang tulong, at ibibigay sa bawat kaluluwang tunay na nagnanais nito. Tutulungan ng mga anghel ng Diyos na namamanhik-manaog sa hagdanang nakita ni Jacob sa pangitain ang bawat kaluluwang nagnanasang umakyat hanggang sa pinakamataas na kalangitan.— Fundamentals of Christian Education, pp. 85, 86. KDB 176.5