Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

151/366

Malapit na ang Panahon Para sa Pag-alis ng Espiritu, Mayo 30

Ang Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika” At ang nakikinig ay magsabi, “Halika” At ang nauuhaw ay pumarito, ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad, Apocalipsis 22:17, TKK 160.1

Hindi magtatagal ang oras ng pagsubok. Iniuurong na ng Diyos ngayon mula sa lupa ang Kanyang kamay na pumipigil. Matagal na Siyang nagsasalita sa mga lalaki at babae sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu; ngunit hindi sila tumalima sa panawagan. Ngayo'y nangungusap Siya sa Kanyang bayan, at sa sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahatulan. Ang panahon ng mga kahatulang ito ay panahon ng habag para sa kanila na hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon na matutuhan kung ano ang katotohanan. Magiliw na titingin ang Panginoon sa kanila. Nahipo ang Kanyang puso ng kahabagan; nakaunat pa rin ang Kanyang kamay upang magligtas. Tatanggapin ang marami sa kawan ng kaligtasan na sa mga huling araw na ito'y makikinig sa katotohanan sa unang pagkakataon. TKK 160.2

Nananawagan ang Panginoon sa kanilang nananampalataya sa Kanya upang maging mga manggagawa kasama Niya. Habang may buhay, hindi sila dapat makadama na natapos na ang kanilang gawain. Pababayaan ba nating maganap ang mga tanda ng huling araw na hindi sinasabihan ang mga tao kung ano ang paparating sa mundo? Pababayaan ba natin silang mahulog sa kadiliman na hindi inilalahad sa kanila ang pangangailangan ng paghahanda upang salubungin ang kanilang Panginoon? Malibang tayo mismo ay gagawa sa ating tungkulin sa mga nakapaligid sa atin, darating ang araw ng Diyos sa atin na parang magnanakaw. Puno ng kalituhan ang sanlibutan, at paparating ang isang malaking katatakutan sa mga tao. Napakalapit na ng kawakasan. Tayong nakakaalam ng katotohanan ay dapat na naghahanda para sa malapit nang dumating sa mundo bilang isang malaking kamanghaan. TKK 160.3

Bilang isang bayan, kailangan nating ihanda ang daan ng Panginoon, sa ilalim ng nangingibabaw na gabay ng Banal na Espiritu. Kailangang maipangaral ang ebanghelyo sa kadalisayan nito. Ang agos ng nabubuhay na tubig ay kailangang lumalim at lumawak sa dadaanan nito. Sa mga lugar na malapit at malayo, tatawagin ang mga lalaki mula sa araro, at mula sa higit na pangkaraniwang negosyo, at matuturuan na kaugnay ng mga lalaking may karanasan. Habang natututuhan nilang gumawa nang mabisa, ipapahayag nila ang katotohanan na may kapangyarihan. Sa gitna ng kamangha-manghang paggawa ng Diyos, maaalis ang mga bundok ng kahirapan. TKK 160.4

Ang mensaheng napakahalaga sa maraming naninirahan sa lupa ay mapapakinggan at mauunawaan. Malalaman ng mga tao kung ano ang katotohanan. Patuloy na susulong ang gawain, hanggang mabigyan ng babala ang buong lupa. At pagkatapos ay darating ang wakas.— REVIEW AND HERALD, November 22,1906 . TKK 160.5