Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

152/366

Iniurong ang Espiritu sa Wakas, Mayo 31

“Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa Apocalipsis 22:11. TKK 161.1

Kapag nagsara ang mensahe ng ikatlong anghel, hindi na nagsusumamo ang kahabagan sa mga nagkasalang naninirahan sa lupa. Nagampanan na ng bayan ng Diyos ang kanilang gawain. Tinanggap na nila ang “huling ulan,” “ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon” (Gawa 3:20), at sila'y nakahanda para sa oras ng pagsubok na nasa harapan nila. Nagmamadali ang mga anghel paroo't parito sa langit. Ipinapahayag ng isang anghel na nagbabalik mula sa lupa na natapos na ang kanyang gawain; nadala na sa sanlibutan ang huling pagsusulit, at ang lahat ng pinatunayan ang kanilang sarili na tapat sa mga banal na alituntunin ay tumanggap ng “tatak ng Diyos na buhay” (Apocalipsis 7:2). TKK 161.2

Pagkatapos ay itinitigil ni Jesus ang Kanyang pamamagitan sa santuwaryo sa itaas. Itinataas Niya ang Kanyang mga kamay at sinasabi na may malakas na tinig, “Natapos na,” at hinuhubad ng hukbo ng mga anghel ang kanilang mga korona habang ginagawa Niya ang banal na pahayag: “Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa” (Apocalipsis 22:11). Napagpasyahan na ang bawat kaso para sa buhay o kamatayan. Ginawa na ni Cristo ang pagbabayad-sala para sa Kanyang bayan at binura ang kanilang mga kasalanan. Nabuo na ang bilang ng Kanyang mga nasasakupan; “Ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit” (Daniel 7:27), ay ibibigay na sa mga tagapagmana ng kaligtasan, at maghahari si Jesus bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. TKK 161.3

Kapag Kanyang nilisan ang santuwaryo, tinatakpan ng kadiliman ang mga naninirahan sa lupa. Sa nakakatakot na panahon na iyon, kailangang mabuhay ng mga matuwid sa paningin ng isang banal na Diyos na walang tagapamagitan. Tinanggap ang pumipigil sa mga masasama, at may ganap na kontrol si Satanas sa makasalanan sa huli. Natapos na ang pagpipigil ng Diyos. Tinanggihan ng sanlibutan ang kanyang kahabagan, kinamuhian ang Kanyang pag-ibig, at niyurakan ang Kanyang kautusan. Dumaan ang masasama sa hangganan ng kanilang pagsubok; ang Espiritu ng Diyos, na patuloy na nilalabanan, sa wakas ay iniurong.— THE GREAT cONTROVERSY, pp. 613, 614 . TKK 161.4