Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

150/366

Nagsisikap na Magbigay ng Huling Babala, Mayo 29

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian. Apocalipsis 18:1. TKK 159.1

Lumilipas ang bawat araw patungo sa walang hanggan, na dinadala tayo mas malapit sa pagsasara ng pagsubok. Kailangan nating manalangin na tulad nang hindi pa natin ginagawa para ibuhos ang Banal na Espiritu nang higit na sagana ngayon, at kailangan nating hanapin na dumating sa mga manggagawa ang impluwensiya nitong nagpapabanal, upang makilala ng mga taong kanilang pinagsusumikapan na nakasama nila si Jesus at natuto mula sa Kanya. Kailangan natin ngayon ang espiritwal na paningin nang higit kaysa dati, upang makakita tayo sa malayo, at upang makita natin ang mga patibong at panukala ng kaaway, at ipahayag ang panganib bilang mga tapat na tagabantay. Kailangan natin ng kapangyarihang espiritwal upang maunawaan natin, hangga't makakaya ng isip ng tao, ang mga dakilang paksa ng Cristianismo, at kung gaano kalayo ang abot ng mga prinsipyo nito. TKK 159.2

Kapag nagpakumbaba ang bayan ng Diyos sa Kanyang harapan, na bawat isa'y hinahanap ang Kanyang Banal na Espiritu nang buong puso, maririnig mula sa labi ng mga tao ang patotoo na katulad sa Kasulatang ito: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian” (Apocalipsis 18:1). Magkakaroon ng mga mukhang nagniningning sa pag-ibig ng Diyos, magkakaroon ng mga labing nahipo ng banal na apoy, na nagsasabi, “Ang dugo ni Jesus na Kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan” (1 Juan 1:7). TKK 159.3

Silang nasa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu ng Diyos ay hindi magiging panatiko, kundi kalmado, matatag, malaya mula sa kabulagsakan. Ngunit itulot na mag-ingat kung paano sumisigaw ng kapayapaan at pagiging ligtas ang lahat na may liwanag ng katotohanan na nagniningning nang malinaw at tiyak sa kanilang landas. Mag-ingat kayo sa impluwensiya na inyong ibinibigay sa panahong ito. TKK 159.4

Nagnanasa si Jesus na ibigay ang makalangit na regalo sa mayamang sukat sa Kanyang bayan. Tumataas ang mga panalangin sa Diyos araw-araw para sa katuparan ng pangako; at wala ni isa sa mga panalanging ginagawa sa pananampalataya ang nawawala. Umakyat si Cristo sa kaitaasan, na dinalang bihag ang pagkabihag, at nagbigay ng mga regalo sa mga tao. Noong, pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo, bumaba ang Espiritu sang-ayon sa pangako, katulad ng isang rumaragasa at malakas na hangin, na pinuno ang buong lugar kung saan nagkatipon ang mga alagad, ano ang naging epekto? TKK 159.5

Libu-libo ang nahikayat sa isang araw. Nagturo tayo, umasa na bababa ang isang anghel mula sa langit, na maliliwanagan ang buong mundo ng Kanyang kaluwalhatian, kung kailan makakakita tayo ng pagtitipon ng mga kaluluwa katulad ng nasaksihan noong araw ng Pentecostes.— THE HOME MISSIONARY, November 1,1893 . TKK 159.6