Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Kahabagan at Pagmamahal: Gumagawa ang Espiritu ng Diyos, Mayo 28
“Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya”Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo” Lucas 10:36, 37, TKK 158.1
Hindi maaaring maghikahos para sa pagmamahal ang puso kung saan nananahan si Cristo. Kung iniibig natin ang Diyos dahil nauna Niya tayong minahal, mamahalin natin ang lahat ng pinagbuwisan ni Cristo ng buhay. Hindi tayo makakalapit sa Diyos nang hindi lumalapit sa tao; sapagkat sa Kanyang nakaupo sa trono ng sansinukob, nagsama ang Kadiyosan at katauhan. Nakaugnay kay Cristo, naiuugnay tayo sa ating kapwa sa pamamagitan ng mga ginintuang kawing ng tanikala ng pag-ibig. Pagkatapos ay makikita ang kahabagan at pagmamahal sa ating buhay. Hindi natin hihintayin na dalhin pa sa atin ang mga nangangailangan at sawimpalad. Hindi na kakailanganing magsumamo ang iba sa atin upang maramdaman ang kahirapan nila. Magiging likas para sa atin ang maglingkod sa mga nangangailangan at nagdurusa na gaya ni Cristo na lumibot na gumagawa ng kabutihan. TKK 158.2
Kailanman mayroong bugso ng pag-ibig at simpatya, saanman umaabot ang puso upang pagpalain at itaas ang iba, naihahayag ang gawain ng Banal na Espiritu ng Diyos. Sa pinakakailaliman ng paganismo, may mga taong walang nalalaman sa nakasulat na kautusan ng Diyos, na hindi pa naririnig ang pangalan ni Cristo ay naging mabuti sa Kanyang mga lingkod, na iniingatan sila sa panganib ng sarili nilang mga buhay. Ipinapakita ng kanilang mga gawa ang pagkilos ng isang banal na kapangyarihan.... TKK 158.3
Nasa pag-angat sa nagkasala ang kaluwalhatian ng langit, sa pag-aliw sa mga nagugulumihanan. At saanman nananahan si Cristo sa puso ng mga tao, Siya'y mahahayag sa gayunding paraan. Saanman ito kumikilos, magpapala ang relihiyon ni Cristo. Saanman ito gumagawa, naroon ang kaliwanagan. TKK 158.4
Walang pagtatangi ayon sa nasyonalidad, lahi o easte ang kikilalanin ng Diyos. Siya ang lumalang sa buong sangkatauhan. Iisang sambahayan ang lahat ng tao sa pamamagitan ng paglalang, at nagkakaisa ang lahat sa pamamagitan ng pagtubos.— CRIST’S OBJECT LESSONS , pp. 384-386. TKK 158.5