Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

144/366

Iwinawaksi ang Kadiliman, Mayo 23

Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo. Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman, at ng makapal na dilim ang mga bayan. Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang Kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo. Isaias 60:1,2. TKK 153.1

Itinalaga ang iglesya bilang daluyan upang magningning sa moral na kadiliman ng sanlibutang ito ang banal na liwanag, at ang mga sinag ng Araw ng katuwiran na nagbibigay ng kapayapaan sa puso ng mga tao. Binubuo ng personal na pagsisikap para sa mga indibiduwal at sa mga pamilya ang gawain na kailangang gampanan sa moral na ubasan ng Diyos. Dapat na maihayag ang kaamuan, pagtitiyaga, pagpipigil; at pag-ibig ni Cristo sa mga tahanan sa lupa. Kailangang magbangon at magningning ang iglesya. Pinagliliwanag ng Espiritu at kapangyarihan ng katotohanan, dapat na humayo ang bayan ng Diyos sa isang sanlibutang nasa kadiliman, upang ipamalas ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang marangal na kapangyarihan ng pagiisip upang magamit para sa Kanyang kaluwalhatian; at sa gawaing misyonero tinatawag ang mga kapangyarihang ito ng pag-iisip. Makikita ang pagpapabuti at pagpapaunlad ng mga regalong ito ng Diyos sa Kanyang mga lingkod. Araw-araw magkakaroon ng paglago sa kaalaman kay Cristo. TKK 153.2

Siyang minsa'y nagsalita na hindi katulad ng sinumang tao, na nagsuot ng kasuotan ng katauhan, ay Siya pa ring Dakilang Tagapagturo. Habang sumusunod ka sa Kanyang mga hakbang, na hinahanap ang mga nawaglit, lalapit ang mga anghel, at sa pamamagitan ng pagbibigay liwanag ng Espiritu ng Diyos, makakamit ang higit na kaalaman tungkol sa pinakamabuting pamamaraan para matapos ang gawaing ibinigay sa inyong mga kamay.... TKK 153.3

Silang dapat ay naging liwanag ng sanlibutan ay nagbigay lamang ng mahina at masasakiting sinag. Ano ang liwanag? Ito'y kabanalan, kabutihan, katotohanan, kahabagan, pag-ibig. Ito'y pagpapahayag ng katotohanan sa karakter at buhay. Ang ebanghelyo ay nakasalalay sa personal na kabanalan ng mga mananampalataya para sa agresibong kapangyarihan nito, at gumawa ang Diyos ng paglalaan sa pamamagitan ng kamatayan ng Kanyang minamahal na Anak, upang ang bawat kaluluwa ay ganap na pagkalooban para sa bawat mabuting gawa. Dapat na maging maliwanag at nagniningning na ilaw ang bawat kaluluwa, na ipinapahayag ang mga papuri Niyang tumawag sa atin mula sa kadiliman tungo sa Kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan.— REVIEW AND HERALD, Mareh 24,1891 . TKK 153.4