Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

145/366

Pinapalakas ang Loob ng mga Tagapagbalita ng Ebanghelyo, Mayo 24

Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos; na ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay. 2 Corinto 3:5, 6. TKK 154.1

Magkakaroon ng kapangyarihan silang palaging tumatanggap ng mga sariwang mapagkukunan ng biyaya sang-ayon sa kanilang pang-araw-araw na kailangan at sa kanilang kakayahang gamitin ang kapangyarihang iyon. Imbes na tumingin sa hinaharap kung kailan, sa pamamagitan ng isang natatanging pagbibigay ng kapangyarihang espiritwal, tatanggap sila ng mahimalang paghahanda para makapagdala ng mga kaluluwa sa Panginoon, araw-araw nilang isinusuko ang kanilang sarili sa Diyos, upang magawa Niya silang mga sisidlan na angkop para sa Kanyang paggamit. Araw-araw nilang pinapabuti ang mga pagkakataon para sa paglilingkod na nasa kanilang maaabot. Araw-araw silang sumasaksi para sa Panginoon saanman sila naroon, maging sa isang abang lugar ng paggawa sa tahanan, o sa pampublikong larangan ng paglilingkod. TKK 154.2

May kamangha-manghang kaaliwan para sa nakatalagang manggagawa sa kaalaman na maging si Cristo sa panahon ng Kanyang buhay sa lupa ay araw-araw na humingi sa Kanyang Ama ng sariwang mapagkukunan ng kinakailangang biyaya; at mula sa pakikipagniig na ito sa Diyos nagtungo Siya upang palakasin at pagpalain ang iba. Tingnan ninyo ang Anak ng Diyos na nakayuko sa panalangin sa Kanyang Ama! Bagama't Siya'y Anak ng Diyos, pinalalakas Niya ang Kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin, at sa pamamagitan ng pakikipag-isa sa langit tinitipon Niya sa Kanyang sarili ang kapangyarihan upang labanan ang kasamaan at maglingkod sa mga pangangailangan ng mga tao. TKK 154.3

Bilang panganay ng ating lahi, nalalaman Niya ang mga pangangailangan nilang, samantalang napapalibutan ng kahinaan at nabubuhay sa mundo ng kasalanan at tukso, ay nagnanasa pa ring maglingkod sa Kanya. Alam Niya na ang mga tagapagbalitang nakikita Niyang angkop na isugo ay mga taong mahihina at nagkakamali; ngunit nangangako Siya ng banal na tulong sa lahat ng magbibigay ng kanilang sarili sa kanyang paglilingkod. Katiyakan ang sarili Niyang halimbawa na ang masikap at matiyagang pananalangin sa Diyos sa pananampalataya—pananampalatayang humahantong sa ganap na pagtitiwala sa Diyos, at walang tinatagong pagtatalaga sa Kanyang gawain—ay magiging angkop upang dalhin sa mga tao ang tulong ng Banal na Espiritu sa pakikidigma laban sa kasalanan.— THE ACTS OF THE APOSTLES, pp. 55,56 . TKK 154.4