Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

143/366

Naglalakbay Kasama ng mga Misyonero, Mayo 22

Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa Akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag Ko sa kanila,” Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila, Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus, Gawa 13:2-4, TKK 152.1

O, gaano natin kailangan ang banal na Presensiya! Dapat na nananalangin sa Diyos ang bawat manggagawa para sa pagbabautismo ng Banal na Espiritu. Dapat na magkatipon ang mga grupo upang tumawag sa Diyos para sa natatanging tulong, para sa makalangit na karunungan, upang malaman ng bayan ng Diyos kung paano magpanukala at gampanan ang gawain. Lalo nang nararapat na manalangin ang mga lalaki na piliin sila ng Panginoon bilang Kanyang mga kinatawan, at bautismuhan ang Kanyang mga misyonero ng Banal na Espiritu. TKK 152.2

Sa loob ng sampung araw nanalangin ang mga alagad bago dumating ang pagpapala ng Pentecostes. Kailangan ang lahat ng oras na iyon upang dalhin sa kanila ang pagkaunawa ng kahulugan ng paghahandog ng mabisang panalangin, na lalo pang lumapit sa Diyos, na ikinukumpisal ang kanilang mga kasalanan, ibinababa ang kanilang mga puso sa harapan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay makita si Jesus, at mabago sa Kanyang larawan. Noong dumating ang pagpapala, pinuno nito ang lugar kung saan sila nagkatipon; at nabigyan ng kapangyarihan, humayo sila upang gampanan ang mabisang gawain para sa Panginoon. TKK 152.3

Kailangan tayong manalangin para sa pagbaba ng Banal na Espiritu na katulad ng mga alagad noong araw ng Penteeostes. Kung kinailangan nila ang Espiritu noong panahon na iyon, mas kinakailangan natin Siya ngayon. Tinatakpan ng moral na kadiliman, na katulad ng lambong sa isang paglalamay, ang lupa. Ang lahat ng uri ng mga bulaang doktrina, mga hidwang pananampalataya, at malademonyong pandaraya ay inililigaw ang mga pag-iisip ng mga tao. Kung walang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, magiging walang-kabuluhan ang ating paggawa upang mailahad ang katotohanan. Kailangan natin ang Banal na Espiritu upang palakasin tayo sa pakikibaka; “Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espiritwal ng kasamaan sa kalangitan” (Efeso 6:12). TKK 152.4

Hindi tayo mapapahamak habang umaasa at nagtitiwala tayo sa Diyos. Bayaang bigkasin na katulad ni Pablo ng bawat kaluluwa sa atin, mga ministro at bayan, “Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin” (1 Corinto 9:26), ngunit mayroong banal na pananampalataya at pag-asa, sa paghihintay na makamit ang gantimpala.— THE HOME MISSIONARY, November 1,1893 . TKK 152.5