Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Nagtutungo sa Bawat Tahanan Kasama ng Manggagawa ng Ebanghelyo, Mayo 18
Pagkatapos ay tinipon ni Jesus ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit, Sila'y sinugo Niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit, At sinabi Niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika, Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo” Lueas 9:1-4, TKK 148.1
Nananawagan ang Panginoon sa Kanyang bayan na gumawa sa iba't ibang mga klase ng paglilingkod misyonero. Kailangang marinig nilang nasa malalaki at maliliit na lansangan ng buhay ang mensahe ng ebanghelyo. Kailangang magsagawa ng gawaing pangangaral ng ebanghelyo ang mga kaanib ng iglesya sa mga tahanan ng kanilang mga kapitbahay na hindi pa nakakatanggap ng buong katunayan ng katotohanan para sa kapanahunang ito. TKK 148.2
Hayaan silang gagawa nito na palaging pag-aralan ang buhay ni Cristo. Itulot na magkaroon sila ng masidhing pagsusumikap na ginagamit ang bawat kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Susunod ang mga mahahalagang bunga sa tapat at hindi makasariling pagsisikap. Tatanggap mula sa dakilang Tagapagturo ang mga manggagawa ng edukasyong pinakamataas sa lahat. Ngunit silang hindi nagbabahagi ng liwanag na kanilang tinanggap ay matutuhan isang araw na nagtamo sila ng nakababahalang kawalan. TKK 148.3
Marami sa bayan ng Diyos ang kailangang humayo na dala ang ating mga babasahin sa mga lugar kung saan hindi pa naipapangaral ang mensahe ng ikatlong anghel. Puno ng mga kamangha-manghang pagkakataon para sa kabutihan ang gawain ng kanbaser-mangangaral na may pusong pinahiran ng Banal na Espiritu. Ang paglalahad ng katotohanan, sa pag-ibig at kapayakan, sa bawat tahanan, ay kasang-ayon sa turo na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga alagad noong isinugo Niya ang mga ito sa kanilang unang paglalakbay misyonero. Sa pamamagitan ng mga awit ng papuri, mga panalanging mapagpakumbaba at taos-puso, at payak na paglalahad ng katotohanan sa pamilya, marami ang maaabot. Naroon ang banal na Manggagawa upang magpadala ng kombiksyon sa mga puso. “Ako'y kasama ninyong palagi” (Mateo 28:20) ang Kanyang pangako. Taglay ang katiyakan ng nananatiling presensiya ng ganitong Tagapagbigay ng tulong, maaari tayong gumawa sa pananampalataya at pag-asa at tapang. TKK 148.4
Kailangang mabasag ang iisang klase ng ating paglilingkod. Dapat na masangkot ang bawat kaanib ng iglesya sa isang natatanging paglilingkod para sa Panginoon. Itulot silang natatag na sa katotohanan ay magtungo sa mga katabing lugar at magsagawa ng mga pagpupulong. Bayaang mabasa ang Salita ng Diyos at mahayag ang mga kaisipang madaling mauunawaan ng lahat.— REVIEW AND HERALD, May 5,1904 . TKK 148.5