Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

137/366

Kumikilos sa Gitna ng mga Mag-aaral, Mayo 16

Ngunit kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, Siya na bumuhay na muli kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo, Roma 8:11, TKK 146.1

Ninais ng Panginoong Diyos ng langit na pana-panahong kumilos ang Kanyang Banal na Espiritu sa mga mag-aaral sa paaralan [Battle Creek College], upang kanilang kilalanin Siya sa lahat ng kanilang mga landas, upang Kanyang gabayan ang kanilang mga daan. May mga panahon na ang pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay naging napakatiyak na anupa't nakalimutan ang mga aralin, at narinig ang tinig ng pinakadakilangTagapagturo na nakilala ng sanlibutan na nagsasabi, “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan Ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto kayo sa Akin; sapagkat Ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang Aking pamatok at magaan ang Aking pasan” (Mateo 11:28-30). TKK 146.2

Kumatok ang Panginoon sa pintuan ng mga puso, at nakita ko na naroon ang mga anghel. Tila walang natatanging pagsisikap sa bahagi ng mga guro na impluwensiyahan ang mga mag-aaral na ibigay ang kanilang pansin sa mga bagay ng Diyos, ngunit mayroong Tagabantay ang Diyos sa paaralan, at bagama't hindi nakikita ang Kanyang presensiya, gayunpaman ay mararamdaman ang Kanyang impluwensiya. Muli't muling nahayag ang mga tanda ng presensiya ng banal na Tagabantay sa paaralan. Muli't muling nangusap ang tinig ni Jesus sa mga mag-aaral na nagsasabi, “Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang Aking tinig at buksan ang pinto, Ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo Ko” (Apocalipsis 3:20). TKK 146.3

Naghihintay ang Panginoon na magbigay ng pinakadakila, pinakatunay na mga kasiyahan sa puso. Pagpapalain Niyang mabuti ang lahat ng tumitingin sa Kanya nang buong-puso. Silang tumingin sa Kanya sa ganitong paraan ay nagkaroon ng higit na tiyak na mga pananaw kay Jesus bilang kanilang tagapagdala ng sala, kanilang laging-sapat na sakripisyo, at naitago sa butas ng bato, upang makita ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Kapag nagkakaroon tayo ng pagkaunawa ng Kanyang sakripisyong sapat sa lahat, naitotono ang ating mga labi sa pinakamataas na tema ng papuri.— SPECIAL TESTIMONIES ON EDUCATION, pp. 77, 78. TKK 146.4